Howard at Blatche ng SGA binigo ang Lebanon sa Dubai
- BULGAR
- Jan 23, 2024
- 2 min read
ni Anthony Servinio @Sports | January 23, 2024

Laro ngayong Miyerkules - Al Nasr Stadium
1:15 a.m. Strong Group vs. Beirut
Pumasa ang Strong Group Athletics ng Pilipinas sa kanilang pinakamatinding pagsubok at binigo ang Homenetmen ng Lebanon, 104-95, sa ikatlong araw ng 33rd Dubai International Basketball Championship mula sa Al Nasr Stadium Lunes ng madaling araw.
Kinailangan ang mga importanteng puntos nina Dwight Howard at Andray Blatche sa huling quarter para sa ikatlong sunod na panalo at tiyak na lugar sa quarterfinals.
Huling hinawakan ng Homenetmen ang 77-76 lamang subalit pumukol ng three-points si Blatche na sinundan ng dunk ni Howard upang ibalik ang bentahe sa SGA, 81-77, at 6:21 ang nalalabi. Hindi pa tapos si Blatche at bumira ng tatlo pang tres at tinulungan nina Howard, Kevin Quiambao at McKenzie Moore na itahi ang resulta.
Buong laro binuhat ni Howard ang SGA sa kanyang 32 na hinigitan ang kabuuang 19 sa unang dalawang panalo. Apat na iba pang kakampi ay nag-ambag ng 10 o higit na sina Blatche at Quiambao na may tig-18, Andre Roberson na may 13 at Moore na may 12 habang namahagi ng 11 assist si Jordan Headingu. Naging malaking suliranin ang dating Meralco Bolts import Zach Lofton na nagtala ng 37 puntos, walong rebound at pitong assist para sa Homenetmen.
Lumiban ang SGA sa pang-apat na araw noong Lunes at babalik sa korte ngayong Miyerkules laban sa isa pang Lebanese na Beirut sa 1:15 ng madaling araw, oras sa Pilipinas. Maglalaro sa Beirut si Jordan naturalized Dar Tucker.
Kahit numero uno sa grupo ang SGA, mahalaga na magwagi pa rin sa huling dalawang laban. Ito ay upang umangat sa puwesto at maiwasan agad ang bigatin mula sa kabilang grupo.








Comments