Opisyal na may pakana ng "BBM sugar", sibakin!
- BULGAR
- Oct 20, 2022
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 20, 2022
PANININDIGAN NI SEC. BOYING REMULLA ANG PAGIGING KAPIT-TUKO SA POSISYON—Nanindigan si Sec. Crispin "Boying" Remulla ng Department of Justice na hindi siya magbibitiw sa posisyon kahit pa natimbog sa ilegal na droga ang kanyang anak na si Juanito Juan Remulla.
Kumbaga, ipinamukha na rin ni Sec. Boying sa sambayanang Pinoy na wala siyang delicadeza.
Mantakin n'yo, siya ang head ng justice department ng pamahalaan, tapos ang anak niya sangkot sa ilegal na droga, pero sa kabila ng isyu ay kapit-tuko pa rin siya sa puwesto.
◘◘◘
DAHIL SA LABEL NA "BBM SUGAR", NABATIKOS SI P-BBM—Sablay ang ginawang paninipsip ng ilang opisyal ng Department of Agriculture nang lagyan nila ng label na "BBM sugar" ang asukal na may presyong P70 na ibinebenta sa tanggapan ng Sugar Regulatory Authority kasi sa ginawa nilang ito ay nabatikos sa social media si Pres. Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Kung sinuman sa mga opisyal ng DA ang may pakana ng label na "BBM sugar" ay dapat sibakin ni PBBM kasi sinisira siya nito sa publiko, dahil hindi katanggap-tanggap sa mamamayan na may krisis na sa asukal, tapos parang pinupulitika pa ang halaga nito.
◘◘◘
DAPAT MAGTALAGA NA SI P-BBM NG HEALTH SECRETARY KASI MAY DALAWANG VARIANT NA NAMAN NG COVID-19 ANG NAKAPASOK SA BANSA—Isang araw matapos italaga ni P-BBM si Direk Paul Soriano bilang Presidential Adviser for Creative Communications, inanunsyo ng Department of Health na may dalawang bagong variant ng COVID-19 ang nakapasok na sa bansa, at ito ay ang "Omicron XBB variant" at "XBC variant."
Dapat ang pagtuunan ng pansin ni P-BBM ay ang magtalaga ng head o secretary sa DOH para mapangalagaan ang kalusugan ng mamamayan kasi deadly pa rin ang COVID-19, at hindi 'yung nagtatag siya ng walang kuwentang ahensya para italaga ang mga taong nakatulong sa kanya noong nakalipas na halalan.
◘◘◘
MASTERMIND SA PERCY LAPID KILLING, MALAPIT NANG MAHUBARAN NG MASKARA—Sumurender kina Sec. Benhur Abalos ng Department of Interior and Local Gov't. at P/Gen. Jonnel Estomo ng National Capital Regional Police Office ang hired killer na si Joel Estario na pumatay umano kay broadcast journalist Percy Lapid at ikinanta nito ang ilan niyang kasama sa pagpatay sa mamamahayag.
Dahil d'yan, tiyak na kakaba-kaba ang mastermind sa paglikida kay Percy Lapid kasi sa pag-surender ng hired killer ay malapit na siyang mahubaran ng maskara.





Comments