Pag-import, pag-distribute at pagbenta, bawal na! EX-P-NOY AT GARIN, YARI SA SABLAY NA BAKUNA!
- RJ Nieto
- Feb 22, 2019
- 3 min read

ASAR na asar talaga tayo sa nakaraang administrasyong Aquino dahil pinabayaan nila ang pag-develop ng imprastruktura sa bansa kaya laking-tuwa na lang natin nang i-announce ng administrasyong Duterte ang “Build, Build, Build” Program noong 2016.
Siyempre, mahaba ang proseso ng approval ng mga proyekto, pero umaariba na ang mga ito ngayong simula ng taon.
Sa Pebrero 26, magbubukas na ang NLEX Harbor Link Segment 10, isang elevated highway na magdurugtong sa C-3 Road, Caloocan at Karuhatan, Valenzuela. Mula sa isang oras dahil sa sobrang trapik, limang minuto na lang ang travel time sa pagitan ng dalawang nasabing lugar.
Kasama ang NLEX Harbor Link Segment 9 na matagal nang operational, hindi na kakailanganin ng mga trak na bumagtas sa mga ordinaryong kalsada sa Maynila at CAMANAVA kaya inaasahang gagaan ang trapiko rito para sa mga motorista.
Sa Pebrero 27 naman, mag-uumpisa ang konstruksiyon ng Mega Manila Subway, isang underground train system na may 13 istasyon mula Mindanao Avenue hanggang FTI-Taguig kasama ang isa pang “spur line” mula FTI hanggang NAIA.
Dahil dito, ang mga komyuter na taga-norte ay makaiiwas na sa torture ng trapik at init sa EDSA, Ortigas, Kalayaan at C-5 para lamang makapunta sa Taguig at iba pang lugar sa South Metro Manila.
Sa Mayo naman, mag-uumpisa na rin ang pagtatayo ng NLEX-SLEX Connector Road, isang 8-kilometrong elevated highway na magdurugtong sa C-3 Caloocan at Skyway sa PUP Santa Mesa.
Gamit ang kombinasyon ng Harbor Link, Connector Road at Skyway, hindi na kailangang makipagbunuan pa ang mga manlalakbay mula sa probinsiya sa mga siksikang kalsada ng Metro Manila.
Ilan lamang ito sa isangkaterbang mga proyektong ipinatutupad ng “Build, Build, Build” Committee para mapaginhawa ang transportasyon hindi lamang sa Metro Manila kundi sa marami pang bahagi ng bansa.
Natutuwa tayo sa administrasyong Duterte dahil sa halip na ubusin ang panahon at lakas para sa paninisi sa nakaraang administrasyon, humahanap ito ng paraan para isulong ang bayan gamit ang mga proyektong direktang makapagpapaginhawa ng buhay natin.
◘◘◘
Kinansela na ng Food and Drug Administration (FDA) ang Certificate of Product Registration (CPR) ng Dengvaxia, ang kontrobersiyal na bakunang mula sa Sanofi na pinagkakitaan lamang daw ng mga dilawan sa pangunguna ni dating Health Secretary Janette Garin.
Dahil dito, bawal na ang pag-import, pag-distribute at pagbenta ng nasabing gamot saanman sa bansa.
Ayon kay FDA Director Charade Puno, binawi ng FDA ang CPR ng Dengvaxia dahil sa garapalang pagsuway ng Sanofi sa FDA, lalo na sa mga patakaran tungkol sa pagsiguro ng kaligtasan ng gamot matapos itong ilabas sa lokal na merkado.
Ito ay matapos ang mga report tungkol sa “adverse reactions” sa mga nabakunahan kung saan mahigit 100 na ang binawian ng buhay at libu-libo pa ang mga naospital.
Ngayong pormal nang binawi ng FDA ang lisensiya para sa Dengvaxia, paano dedepensahan nina ex-P-Noy at Janette Garin ang pagbakuna nito sa mahigit 800,000 bata?
Kung seryoso ang Sanofi sa kaligtasan ng kanilang gamot, bakit hindi nila sinunod ang mga safety regulation ng FDA at hinayaan na lamang makansela ang permit para sa Dengvaxia?
Isa lang ang nakikita nating dahilan: Sablay talaga ang Dengvaxia.
Inaasahan nating makaaapekto ang desisyong ito ng FDA sa mga tambak-tambak na mga kasong isinampa ng PAO sa ngalan ng mga biktima ng Dengvaxia. Ipinakikita nito na tila walang pakialam ang Sanofi at ang administrasyong Aquino sa kalagayan ng mga inosenteng bata at ang habol lang ng mga lintik ay kumita.





Comments