Online shopping platform, malaking parte sa pagkalat ng pekeng gamot
- BULGAR
- Nov 20, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | November 20, 2022
Kabilang sa mga problema sa bansa ay ang paglipana ng mga gamot at vitamins na mabibili sa mga online shopping platform.
Bagama’t may mga opisyal na account ang ilang botika at manufacturer sa online shopping app, may mga account pa ring hirap tukuyin kung lisensyadong magbenta ng gamot ang mga ito.
Ito ang dahilan kaya nagbigay-babala ang Food and Drug Administration (FDA) sa pagbili ng gamot online at maging sa mga sari-sari store. Binigyang-diin ng FDA na mula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic, dumami ang mga counterfeit o pekeng gamot sa merkado.
Ayon sa Department of Health (DOH), maituturing na global public threat ang paglipana ng mga pekeng gamot dahil maaari itong magkaroon ng masamang epekto sa kalusugan.
Sa ngayon, hamon sa mga awtoridad ang paghahabol ng mga pekeng gamot na ibinebenta sa social media at maging sa mga app.
Ayon pa sa FDA, iba na ang panggagaya ng mga gamot ngayon at hindi na sapat ang pagsuri lamang ng kulay, kaya inirerekomendang gamitin ang verification portal sa website ng FDA upang malaman kung may certificate of product registration ang nabibiling gamot.
Samantala, iginiit ng World Health Organization (WHO) na ang isa sa mga dahilan kaya may mga nabibiktima ng pekeng gamot ay dahil mas mura ito kumpara sa lehitimong produkto.
Dahil dito, mahalaga umano na magkaroon ang publiko ng access sa mura, ligtas at dekalidad na gamot.
Maraming napepekeng produkto at nakadidismaya na pati ang gamot ay kaya nang gayahin. Ang masaklap, may nabibiktima at patuloy ang pagkalat ng mga ito sa merkado. At malaking bahagi na riyan ang mga online shopping platform dahil isang pindot lang ay maaari nang makabili.
Bagama’t madaling ma-access ang mga gamot, ang tanong ay ligtas ba itong inumin, gayundin, gaano tayo nakasisigurado na lehitimo ito?
Paalala sa publiko, maging matalino sa pagbili. Kung kaya naman, huwag magtipid pagdating sa gamot dahil kung magtitiyaga sa peke, tiyak na dagdag-problema lang ito.
Habang pakiusap naman natin sa mga kinauukulan, ipagpatuloy ang paghabol sa mga nagpapakalat ng pekeng gamot dahil banta ito sa kalusugan ng publiko.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments