top of page

Online scammers hataw na naman, ingat

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 8 hours ago
  • 1 min read

by Info @Editorial | November 24, 2025



Editorial


Mas dumarami na ang nag-o-online shopping para sa regalo. Kasabay nito, nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na inaasahang mas dadami ang mga scammer na mananamantala sa holiday rush. 


Sa gitna ng mga “big sale”, “flash deal” at “exclusive promo” madaling mahulog sa bitag ng panloloko — lalo na kung nagmamadali o naghahanap ng pinakamababang presyo.Hindi na bago ang modus. May mga pekeng online store, bogus riders, phishing links, at delivery scams na biglang sumusulpot tuwing peak season. Ngunit taun-taon ay marami pa ring nabibiktima.


Malinaw na mas mabilis ang pag-unlad ng panloloko kaysa sa pag-iingat ng mamimili.Kaya’t napakahalaga ng paalala na hindi sapat ang pagiging matalino sa pagpili—kailangan ding maging mapanuri at maingat. 


Sa panahon ngayon, may mga ‘click’ na may katapat na panganib. Dapat tiyaking nasa lehitimong platform ang transaksyon, i-verify ang seller, at gamitin lamang ang secure na payment channels. Higit sa lahat, huwag kailanman magbibigay ng sensitibong impormasyon tulad ng OTP o PIN.


Gayunman, hindi dapat ibunton ang buong responsibilidad sa mamimili. May tungkulin din ang pamahalaan na palakasin pa ang kampanya laban sa cybercrime. 

Kailangan ding higpitan ng mga online marketplace ang kanilang verification system at agarang tumugon sa reklamo ng publiko. 


Ang Pasko ay panahon ng pagbibigayan, hindi pananamantala. Hindi dapat maging normal ang takot sa online shopping. Kung magtutulungan ang gobyerno, mga platform, at mamimili, maiiwasan ang panlilinlang at masisiguro ang ligtas at masayang pagdiriwang.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page