Online scam dumami, hinay-hinay sa pagpindot ng link
- BULGAR
- Nov 10, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | November 10, 2022
Patuloy na pinag-iingat ng mga awtoridad ang publiko laban sa iba’t ibang panloloko ngayong holiday season.
Sa kasalukuyan, may kumakalat na “Ikaw ba ang nasa video”, na isa umanong scam, kung saan maaaring ma-hack ang Facebook at bank account details ng makatatanggap ng mensahe.
Ayon sa ilang nakatanggap ng naturang mensahe, galing ito sa kanyang kaibigan, kaya hindi ito nagduda at pinindot ang link upang masuri kung ano ang tinutukoy na video at kung siya nga ang laman nito. Ngunit pagka-click ng link, walang lumabas na video at nawala ang kanyang Facebook at Messenger app.
Ang hindi niya alam, dahil sa pagpindot ng link, nakontrol na ng hacker ang kanyang account at nanghingi ito ng pera sa mga kakilala niya.
Ayon pa sa biktima, maraming tumawag sa kanya dahil nabigla, gayung hindi niya naman gawain na manghingi ng pera. Gayunman, may mga nagpadala ng pera na nagkakahalangang P300 hanggang P2,000, kaya agad siyang nag-post at ipinaalam sa socmed na na-hack ang kanyang account para wala nang iba pang maloko.
Paliwanag ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), ito ay phishing link at kapag pinindot ito, maaaring makuha ang mga password, bank account, gayundin ang one-time password o OTP. Bukod pa rito, maaari rin umanong makuha ang mga files sa cellphone, tulad ng pictures at video.
Sa tala ng PNP-ACG, aabot nasa 118 reklamo ang natatanggap nila sa loob ng tatlong buwan. Gayunman, posible umanong marami pa ang nabiktima at nakuhanan ng pera na hindi na nakapagsumbong.
Hinihikayat ng mga awtoridad ang publiko na kung mabiktima, magsumbong agad sa Facebook account o website ng PNP-ACG o anumang tanggapan ng pulisya.
Hindi talaga nauubusan ng gimik ang mga kawatan at kahit anong paraan ng panloloko ay gagawin para lamang makapambiktima, lalo na ngayong holiday season, kaya todo-kayod din ang mga ito.
Gayunman, walang tigil sa pagbibigay-paalala at babala ang mga awtoridad na maging maingat sa paggamit ng socmed, lalo na kung nakakatanggap ng mga link mula sa hindi kilalang tao.
Sa panahon ngayon, kailangan nating maging matalino para makaiwas sa mga panloloko.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments