Online sabong at ‘PHPVIP’, ‘pag tumaya, tiyak na ubos ang pera

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 25, 2024

SEN. BONG GO, MATAGAL NANG TUMITINDIG PARA SA ‘PINAS, KAHIT PRESIDENTE PA NOON SI DIGONG BINABATIKOS NA NIYA ANG CHINA -- Kinondena ni Sen. Bong Go ang pagiging agresibo ng China na humantong para saktan ng mga kasapi ng China Coast Guard (CCG) ang mga sundalong miyembro ng Philippine Navy (PN) kung saan ang isang sundalong Pinoy ay naputulan pa ng daliri nitong nakalipas na June 17, 2024.
Hindi iisang beses, kundi madalas batikusin ni Sen. Go ang China sa tuwing may ginagawang harassment ang CCG sa mga Pinoy sa WPS, at ang mga pambabatikos ng senador sa China ay naganap noong Aug. 7, 2023, Nov. 12, 2023, Dec. 13, 2023.
At kahit sa panahon pa na si ex-P-Duterte ang presidente ng bansa ay binatikos ni Sen. Go ang China noong Nov. 20, 2021 dahil hindi aniya, katanggap-tanggap ang demand ng China na tanggalin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na sakop ng Pilipinas.
Ang nais nating ipunto rito, matagal nang tumitindig si Sen. Go para sa ‘Pinas at fake news ‘yung pinost sa social media na pro-China raw ang senador, period!
XXX
BUKOD SA PAMBABATIKOS NI SEN. BONG GO SA CHINA SA WPS, INIREKOMENDA NIYA RIN KAY EX-P-DUTERTE NA MAG-TRAVEL BAN SA CHINA SA PANAHON NG COVID-19 -- Hindi lang bilang pagmamalasakit sa mga sundalo at mangingisdang Pinoy, ang pambabatikos ni Sen. Go sa China kundi may ginawa pang aksyon ang senador na para sa buong sambayanan sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Ito ay hindi fake news dahil nasa socmed naman ang balita na lumabas noong Jan. 31, 2020, na isa si Sen. Go sa kauna-unahang nagmungkahi sa noo’y Pres. Duterte na magpairal ng travel ban sa China para maprotektahan at hindi lumaganap sa bansa ang coronavirus na mula sa naturang bansa, period!
XXX
PARA HINDI MAUBOS ANG PERA SA GCASH, HUWAG TUMAYA SA ONLINE SABONG AT ‘PHPVIP’ -- Hindi lang online sabong ang laganap ngayon sa social media, kundi pati ang mga online gambling na “PHPVIP.”
Panawagan sa mga netizens, huwag kayong tataya sa online sabong at “PHPVIP” dahil hindi kayo mananalo, mauubos lang ang laman ng GCash n’yo, boom!
XXX
LAHAT NG BARANGAY SA GAPO MAY PA-JUETENG SI ‘AGING’ -- Lahat daw ng barangay sa Olongapo City ay may mga kubrador ng jueteng si “Aging”.
Laganap na pala sa Gapo ang pa-jueteng ni “Aging,” pero “nganga” lang sina Mayor Rolen Paulino Jr. at City Police Chief, Col. Charlie Umayam, tsk!




Comments