Online na ang application ng SS number
- BULGAR

- 5 days ago
- 3 min read
by Info @Buti na lang may SSS | January 18, 2026

Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay isang college student na gustong mag-part time work. Nag-apply ako sa isang call center at natanggap naman ako. Isa sa requirements ay ang pagkuha ng SSS number ngunit wala pa ako nito. Hindi ako makapunta sa branch ninyo dahil may pasok ako sa school. May paraan bang makakuha ako ng SSS number na hindi na pupunta sa SSS branch? Salamat. —Randy
Mabuting araw sa iyo, Randy!
Sa Pilipinas, ang pag-secure ng iyong kinabukasan ay nagsisimula sa isang simpleng hakbang: pagkuha ng Social Security (SS) number mula sa Social Security System (SSS). Fresh graduate ka man, overseas Filipino worker (OFW), self-employed individual, o corporate employee, ang SS number ay hindi lamang paperwork—ito ang iyong tiket para sa pinansyal na proteksyon at kapayapaan ng isip.
Hindi mo na kinakailangang magtungo sa alinmang sangay ng SSS upang kumuha ng iyong SS number sapagkat available na ito online sa pamamagitan ng aming website, www.sss.gov.ph.
Inilunsad ito ng SSS upang mapabilis ang pagkuha ng SS number with My.SSS registration, lalo na ang mga bagong tapos sa kolehiyo at kabataang naghahanap ng trabaho sa unang pagkakataon. Kasama rin ang pagbibigay ng SS number sa patuloy naming kampanya na mapalawak pa ang kapasidad ng aming website sa pagbibigay ng mas magandang alternatibo sa mga over-the-counter na aplikasyon.
Upang makakuha ng SS number, pumunta sa SSS homepage at pindutin ang “Apply for an SS Number Online” na makikita sa ibabang bahagi ng SSS website. Pagkaraan ay lalabas ang step-by-step guide na dapat mong sundin para umusad ang iyong online application.
Kinakailangang ibigay mo ang iyong mga personal na impormasyon gaya ng pangalan, petsa ng kapanganakan at email address. Dapat maging maingat at suriing mabuti ang mga personal na datos na iyong ilalagay bago mo ito isumite. Pagkatapos isumite ang mga impormasyong ito, padadalhan ka ng link sa iyong ibinigay na e-mail kaya dapat ito ay aktibo at laging ginagamit. Sa iyong e-mail address, kailangan mong kumpirmahin ang link na ipinadala sa iyo sa loob ng limang araw dahil kung hindi mo ito gagawin ay uulitin mo ang buong proseso.
Pagkatapos ma-isyu ang SS number, ipapakita sa screen ang iyong personal record at SS number slip. Maaari mo itong i-print bilang katibayan ng iyong online registration. Magpapadala naman ng soft copy ng iyong Personal Record (E-1) sa rehistradong e-mail address na ibinigay mo sa SSS. Maaari mo nang ibigay sa iyong employer ang naisyung SS number.
Upang maging permanent naman ang status ng iyong SS number, kinakailangan mong magsumite online o sa pinakamalapit na SSS Branch ng mga documentary requirements katulad ng Birth Certificate. Maaari mong itong gawin sa iyong libreng araw.
Kung sakali namang mayroon kang dapat baguhin o itama sa iyong personal na datos, ito ay maaari mong gawin gamit ang My.SSS account o ‘di kaya’y sa pagsusumite ng Member's Data Change Request kalakip ang mga kaukulang dokumento at ipasa ito sa alinmang sangay ng SSS.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.





Comments