top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Online dating, itinuturong dahilan ng pagtaas ng HIV cases

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 2, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | December 2, 2023


Itinuturing ng mga eksperto na ang pagtaas ng mga kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa Pilipinas ay dahil umano sa online dating, kawalan ng sapat na sex education at pagiging konserbatibo ng relihiyosong bansa.


Ayon kay Van Phillip Baton, adviser ng Joint United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS) sa Pilipinas, nakababahala ang dumaraming kaso ng HIV infections, kung saan ipinapakita nito na hindi pa kontrolado ang sakit, at kung walang gagawing aksyon, posibleng kumalat sa general population ang naturang virus.


Naniniwala ang mga eksperto na nakakaapekto rito ang social media at online dating sites dahil tila nagiging madali na para sa isang indibidwal na makahanap ng kanilang sexual partner.


Una nang nagpahayag ng pangamba si Health Secretary Teodoro Herbosa hinggil sa pagdami ng bilang ng mga teenager na tinatamaan ng HIV infections. Aniya, pabata na nang pabata ang nakakakuha ng virus at pinakaapektado sila na halos nasa kalahati o 47 porsyento mula sa kabuuan nito.


Sinabi naman ni Herbosa na nakabuo na sila ng malakas na collaboration at convergence sa pagitan ng Department of Health at Department of Education sa pagsisikap na gagawin nila para matutukan ang kalusugan ng mga kabataan.


Batay naman sa isang sexual health study ng University of the Philippines’ Population Institute noong 2021, lumalabas na higit sa ikatlong bahagi ng mga kabataan na may 15 hanggang 24 ay hindi naniniwala na makakatulong ang paggamit ng condom para mabawasan ang panganib na makakuha ng HIV.


Base sa June 2023 data ng HIV/AIDS and ART Registry of the Philippines, may naitalang 1,518 na bagong kaso ng HIV, kung saan 466 cases ay mula sa 15-24 age group habang nasa 724 na may edad 25-34.


Nakakaalarma ang pagdami ng mga tinatamaan ng HIV infections, gaya kasi ito ng COVID-19 na wala pang nadidiskubreng gamot.

Marahil, kailangan nating subaybayan ang ating mga anak. Hindi man natin sila matutukan nang husto, dapat ay alamin at tanungin natin ang kanilang lagay sa araw-araw at kanilang ginagawa. Maglaan din tayong mga magulang ng oras na kausapin o kahit simpleng huntahan lang dahil malaking bagay na iyon para sa kanila.


Isa pa, hindi siguro makukuha ang ganitong klase ng sakit kung tayo mismo ay magagawang umiwas na gawin ang pakikipag-sex sa kahit sino lang habang dapat na magkaroon ng sapat na kaalaman sa naturang impeksyon.


Ang pagtatalik o sex ay sagradong bagay na ginagawa lamang sa bisa ng pinag-isa ng Diyos, ang mag-asawa. Pero, dahil sa maraming pagbabago sa mundo kaya nakukuhang subukan ito ng ilan sa atin, curiosity kumbaga.


Paalala lamang sa ating mga kababayan, huwag nating subukan o gawin ang isang bagay na hindi natin batid kung ano ang kahihinatnan dahil baka sa bandang huli ay matindi natin itong pagsisihan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page