Onli in da 'Pinas: walang maisyung plaka at papel ang lisensya, 'kahiya!
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | April 29, 2023
SA DAGDAG-SINGIL SA KURYENTE, BUKOD SA TATAAS ANG BILLING, TATAAS DIN ANG PRESYO NG MGA BILIHIN—Kapag hindi napigilan ang nagbabadyang dagdag-singil sa konsumo sa kuryente ng Meralco at iba pang electric cooperative next month, doble-dagok ang aabutin ng mamamayan.
Bukod kasi sa tataas ang billing sa kuryente, tiyak na tataas din ang presyo ng mga bilihin dahil kuryente ang gamit ng mga kumpanya sa paggawa ng mga paninda nilang produkto, boom!
◘◘◘
HINDI MAN AMININ, TIYAK NA NATORETE SINA EX-P-DUTERTE AT SEN. DELA ROSA SA IBINULGAR NI CONG. BOSITA TUNGKOL SA QUOTA SYSTEM SA WAR ON DRUGS—Hindi man aminin, tiyak na natorete sina ex-P-Duterte at Sen. Ronald Dela Rosa sa ibinulgar ni dating Police Colonel at ngayo’y 1-Rider Partylist Rep. Bonifacio Bosita na noong siya ay nasa police service pa, may ‘quota system’ na pinaiiral sa kapulisan ang Duterte administration sa war on drugs. Ayon pa sa former policeman-turned politician, kahit may napasuko siyang 20 adik, sinibak pa siya sa puwesto sa kadahilanang walang napatay sa mga naturang adik sa kanyang nasasakupan.
Kaya natin nasabing maaaring natorete sina ex-P-Duterte at Sen. Dela Rosa sa isyung ito dahil ang naging statement ni Cong. Bosita sa Kongreso ay puwedeng magamit para lalo silang madiin sa kinakaharap nilang kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC), period!
◘◘◘
RATING SA SURVEY ANG PANLIBANG NG GOBYERNO SA MAMAMAYAN SA MGA PROBLEMA NG ‘PINAS—Napakaraming problema ang kinakaharap ng bansa, pero imbes na solusyonan ang mga ito dahil nakakaapekto na sa pamumuhay ng mamamayan, nililibang ng gobyerno ang publiko sa iba’t ibang isyu.
Halimbawa, sa problema sa taas-presyo ng mga bilihin at bayarin, gayundin ang kawalan ng trabaho ng milyun-milyong Pinoy, imbes na solusyonan, eh, ang inaatupag ng pamahalaan ay ianunsyo ang mataas na rating sa survey nina Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) at Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, boom!
◘◘◘
DAHIL MAHINA ANG LIDERATO SA LTO, DAPAT SIBAKIN NI P-BBM SI CHAIRMAN JAY ART TUGADE—Kung walang kakayahan si Land Transportation Office (LTO) chief, Jay Art Tugade na solusyonan ang problema tungkol sa kawalan ng maiisyung plaka ng mga sasakyan at walang plastic driver’s license ID card na maiisyu sa mga drivers, aba’y dapat sibakin na agad ito ni P-BBM.
Dahil sa kahinaan ng liderato ni Tugade sa LTO, lumalabas na katawa-tawa sa mundo ang Pilipinas dahil sa mga bansa sa buong daigdig, onli in da ‘Pinas na walang maiisyung plate numbers sa mga sasakyan at lisensyang gawa sa papel ang iniisyu sa mga drivers, tsk!





Comments