Onli in da 'Pinas, National ID gawa sa papel
- BULGAR
- Oct 25, 2022
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 25, 2022
WALANG PONDO KAPAG DAGDAG-PENSYON PERO MAY BUDGET PARA SA CONFI FUNDS AT PORK BARREL—Karamihan sa mga senador at kongresista ay nagpahayag na walang pondo para sa dagdag-P500 monthly pension para sa mga lolo at lola dahil kapag pinagsama-sama ang halagang ito ay aabot ng P26 billion kada taon, kaya't malabo itong maisakatuparan.
Ganun, kapag para sa pensyon ng mga lolo at lola ay walang pondo, pero kapag para sa confidential o intelligence funds at pork barrel, meron?
◘◘◘
SAAN AT KANINO MAPUPUNTA ANG P1.282.1 TRILYONG NAKAPALOOB SA 2023 NATIONAL BUDGET?—Kahindik-hindik ang mga natuklasan ni Senate Minority Leader, Sen. Koko Pimentel na pera ng bayan na kuwestyunableng isiningit para sa 2023 national budget.
Unang natuklasan ni Pimentel ang lump sum na mahigit P544 bilyong isiningit sa Department of Public Works and Highways, na duda ay posibleng para sa pork barrel, sumunod na natuklasan ay ang P150 bilyon para sa “Support for Infrastructure Projects and Social Program (SipSP)” ng Marcos administration, at meron din umanong P588.1 bilyong unprogrammed funds para sa iba't ibang ahensya ng pamahalaan, na ayon sa minority leader ay walang malinaw na detalye kung saan gagastusin ang pondong ito.
Grabe, kapag kinuwenta ang halagang 'yan ay papalo sa mahigit P1.282.1 trilyon, pwera pa 'yung confidential o intelligence funds.
Sa isyung ito, dapat pa bang i-memorize kung bakit karamihan ng mga pulitiko at gov't. officials ay rich at majority Pinoy naman ang poor?
◘◘◘
MAY MAHIGIT P1.75 BILYONG BUDGET PARA SA PAGGAWA NG PLASTIC NA ID, TAPOS PAPEL NA PHILIPPINE NATIONAL ID ANG IPAMIMIGAY—Inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na gawa sa papel ang national ID na ipamimigay sa publiko.
Aba, teka, mahigit P1.75 bilyon ang inilaang pondo ng nakalipas na Duterte gov't. sa pagpapagawa laminated plastic ID, tapos ngayon ay papel na lang ang ipamimigay sa mamamayan.
Saan ba napunta ang mahigit P1.75 bilyon?
◘◘◘
KAPAG TINUTOO NA PAPEL NA ANG NATIONAL ID NA PAMIMIGAY SA MGA PINOY, LALABAS NA KATAWA-TAWA SA MUNDO ANG PILIPINAS—Kung sakaling totohanin ng PSA na gawa sa papel ang ipamimigay sa mamamayan, aba'y lalabas na katawa-tawa sa buong mundo ang Pilipinas.
Mantakin n'yo, onli in da 'Pinas na ang National ID ay gawa lang sa papel.





Comments