Onli in da 'Pinas na ang Justice Sec. ay nampi-fake news
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | May 19, 2023
DAPAT MAGPOKUS SI VP SARA NA SOLUSYONAN ANG MGA PROBLEMA NG DEPED, AT HINDI SA PANGRE-RED-TAG—Kinuwestyon ni Pasig City Rep. Roman Romulo ang Department of Education (DepEd) kung bakit hanggang ngayon ay wala pa itong naipapatayong special learning centers para sa mga batang may kapansanan na gustong mag-aral.
Hindi lang ang kawalan ng special learning centers ang problemang kinakaharap ng DepEd kundi pati ang kakapusan ng eskuwelahan, classrooms, at mababang suweldo ng mga guro.
Mantakin n’yo, ang daming problema na kinakaharap ng DepEd at imbes na solusyonan ang mga ito, ang pokus ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ay mang-red-tag o akusahang komunista at terorista ang mga bumabatikos sa kanya, tsk!
◘◘◘
JUSTICE SEC., PINAGTAWANAN DAHIL SA FAKE NEWS—Noong Martes, Mayo 16, inanunsyo ni Sec. Crispin Remulla ng Department of Justice (DOJ) na uuwi na ng Pilipinas nang Mayo 17 si suspended Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. para harapin ang mga kinakaharap niyang kaso sa bansa, pero hindi nangyari ito, at ayon kay Teves, fake news ang ibinida ng justice secretary sa publiko.
Dahil sablay ang inanunsyo ni Sec. Remulla, lumabas siyang katawa-tawa sa publiko, kasi onli in da ‘Pinas na ang justice secretary at nag-a-announce ng fake news sa mamamayan, boom!
◘◘◘
‘PAG LUMABAS ANG WARRANT OF ARREST, TAPOS NA ANG HAPPY DAYS NI CONG. TEVES—Sinampahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ng mga kasong multiple murder, multiple frustrated murder at multiple attempted murder si Cong. Teves.
Kaya sakaling maglabas ng warrant of arrest ang korte tungkol sa mga kasong ito, matatapos ang happy days ni Teves sa ibang bansa, lalo na’t idineklara pa siyang terorista ni Remulla dahil tiyak na ang mga awtoridad sa ibang bansa ang dadakma sa suspendidong congressman para i-deport siya pabalik sa ‘Pinas, abangan!
◘◘◘
MGA NAGING CUSTOMS COMMISSIONER, ‘NGANGA’ SA RAKET NG MGA SMUGGLER—Hindi lang mga agri-smugglers ang namamayagpag sa Customs kundi pati mga ukay-ukay, electronics, general merchandise smugglers.
Matagal na panahon nang nag-o-operate ang mga smuggler na ito, at kahit sinong ma-appoint na Customs commissioner ay hindi nagawang ipa-stop ang raket ng mga smugglers sa Customs.
Isa lang ang nakikita nating dahilan kung bakit hindi masawata ang smuggling sa ‘Pinas, at ‘yan ay dahil ang mga naitatalagang Customs commissioner ay ‘nganga’ lang sa raket ng mga smuggler sa Aduana, period!





Comments