Onli in da ‘Pinas: imbes na pera, kilo-kilong shabu ang reward sa police informers
- BULGAR
- Apr 18, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | April 18, 2023
DAPAT SUPORTAHAN NG GOBYERNO MGA MAGSASAKANG PINOY, ‘DI ANG MGA MAGSASAKA SA THAILAND, VIETNAM, CHINA AT INDIA—Sabi ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM), kahit wala raw shortage sa bigas ang Pilipinas, mag-aangkat pa rin ang gobyerno ng bigas sa ibang bansa.
Kung totoong walang shortage sa bigas, pagkakataon na sana ito para magbigay ng todong ayuda ang pamahalaan sa rice farmers upang makapagtanim sila ng maraming palay, kasi sa totoo lang, maraming magsasaka na ang nakakaranas ng hirap at gutom simula nang pairalin ni ex-P-Duterte ang Rice Tariffication Law.
Dapat ang suportahan ng Marcos administration ay ang mga magsasakang Pinoy at hindi ang mga magsasaka sa Thailand, Vietnam, China at India, gayung sa mga bansang ito madalas bumili at mag-angkat ng bigas ang Philippine gov’t., period!
◘◘◘
HINDI EPEKTIBO ANG PAGDOBLE NI EX-P-DUTERTE SA SUWELDO NG MGA PULIS PARA TUMINO DAHIL MARAMI PA RING SCALAWAG—Base sa ibinulgar ni Sec. Benhur Abalos ng Department of Interior and Local Government (DILG), lumalabas na sangkaterbang pulis, kabilang ang mga high ranking officials ng Philippine National Police (PNP), at ang dalawa pa rito ay police general ang sangkot sa kalakaran ng droga sa bansa.
Hindi lang sa pagkakasangkot sa droga nadadawit ang mga pulis, mayroon ding mga protektor ng illegal gambling, may mga nagsasagawa ng hulidap o huhulihin at saka hoholdapin, carnapping, robbery at may mga parak din na gun-for-hire.
Patunay ‘yan na hindi naging epektibo ang ginawang pagdoble ni ex-P-Duterte sa suweldo ng mga pulis para magpakatino sa serbisyo kasi hindi naman nawala o nabawasan ang mga scalawag, sa halip, dumarami pa. Buset!
◘◘◘
KAYA PALA HINDI NATITIGIL ANG BENTAHAN NG SHABU SA ‘PINAS KASI SHABU ANG PANG-REWARD NG PULIS SA KANILANG MGA INFORMERS—Sa 990 kilo ng shabu na nakumpiska kay narco-policeman, M/Sgt. Rodolfo Mayo, ang 42 kilo ng droga rito ay isinubi o itinago nina P/MSgt. Lorenzo Catarata at P.SSgt. Jerrywin Rebosora. Nang mabuking ang kanilang ginawa, isinurender din ito sa kanilang superior officer, at ang palusot ng dalawang pulis ay ibibigay sana nila ang 42 kilo ng shabu bilang reward sa kanilang informer.
‘Yan pala ang dahilan kaya hindi natitigil ang bentahan ng shabu sa ‘Pinas. Imbes kasi na pera ay kilo-kilong shabu ang ibinibigay na reward sa mga police informer, at tandaan mga kababayan, onli in da ‘Pinas na droga ang pabuya sa mga ‘assets’. Mga pwe!
◘◘◘
DAMING PROBLEMA SA EDUKASYON SA ‘PINAS, TAPOS SA TURISMO, NAGPAPABIDA SI VP, DEPED SEC. SARA DUTERTE-CARPIO—Nanawagan si Vice President, Department of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte-Carpio sa mga local government units na palakasin ang turismo sa kanilang mga nasasakupan.
Hay naku, ang dami kasing problema sa sistema ng edukasyon sa bansa tulad ng kakulangan ng mga guro, paaralan, classrooms at textbooks, tapos ang head ng DepEd na si VP Sara ay sa turismo nagpapabida at pinakikialaman ang trabaho ng mga taga Department of Tourism (DOT). Tsk!





Comments