Onli in da Pilipins na ang mga scammer, nakakalaya na, nananalo pa sa eleksyon!
- BULGAR
- Jan 22, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | Enero 22, 2023
KAPAG TUMAAS PRESYO NG LANGIS, ANG KABUNTOT N'YAN PAGTAAS NG PRESYO NG BILIHIN AT BAYARIN -- Kumpirmado, inaprub na naman ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pagtataas sa presyo ng langis, P2.30 per liter sa gasolina at P2 per liter sa diesel, next week.
Dahil d'yan, asahan na ang kabuntot na naman n'yan ay pagtataas sa presyo ng mga bilihin at bayarin, saklap!
◘◘◘
DAMI NANG NAGUGUTOM KAYA'T DAPAT MAGTALAGA NA SI P-BBM NG PERMANENTENG AGRICULTURE SECRETARY -- Pangunahing pangangailangan ng mamamayan ay pagkain, kaya lang marami na sa ating mga kababayan, ayon sa survey ng SWS ang nakararanas ng gutom kasi hindi na nakakain dulot ng sobrang taas ng presyo ng mga bilihin.
Dapat na talagang magtalaga si P-BBM ng permanenteng Agriculture secretary na tututok sa food supply ng Pilipinas, kasi sa totoo lang, sa sunud-sunod na foreign trips ni P-BBM ay hindi na niya natututukan bilang acting secretary ng DA (Dept. of Agriculture) ang pangangailangan ng mga magsasakang Pinoy na nagiging sanhi tuloy ng pagmahal ng presyo ng mga bilihin dulot ng kakapusan ng supply ng pagkain sa bansa, period!
◘◘◘
MGA SCAMMERS LAYA SA 'PINAS, ANG IBA KUMANDIDATO AT NAGWAGI PA SA ELEKSYON -- Pinalaya ng Supreme Court (SC) sa pamamagitan ng piyansa si Gigi Reyes, dating chief of staff ni former Sen. Juan Ponce Enrile kaugnay sa pork barrel scam na kinasangkutan din ni Janet Napoles at iba pang senador at kongresista.
'Yan ang malungkot na katotohanang nangyayari sa Pilipinas, na 'yung mga scammers sa gobyerno ay pinalalaya, at 'yung iba nga kumandidato pa at nanalo pang muli sa eleksyon, tsk!
◘◘◘
HINDI DAPAT PAGKATIWALAAN ANG SALITA NG PRESIDENTE NG CHINA -- Sa pag-uusap nina Philippine Pres. Bongbong Marcos at Chinese Pres. Xi Jinping noong Jan. 4, 2022 ay ipinangako ng presidente ng China na hahayaan nilang mangisda sa West Philippine Sea (WPS) ang mga Pilipino, at dahil d'yan ay inanunsyo ni P-BBM sa publiko na puwede nang mangisda ang mga Pinoy sa dagat na sakop ng Pilipinas, pero ang masaklap nitong nakalipas na araw ay pinagbawalan at itinaboy ng Chinese Coast Guard (CCG) ang mga kababayan nating mangingisda sa West PH Sea.
Patunay ang insidenteng 'yan na kailanman ay hindi puwedeng pagkatiwalaan ang salita ng Chinese president, period!





Comments