top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Onli in da PH: Pulitiko ang hahatol kung sino sa PNP Officials ang may sala

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 3, 2023
2 min read

ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | Pebrero 3, 2023


AYAW IMBESTIGAHAN NG DOJ ANG EJK NG DUTERTE ADMINISTRATION KAYA TAMANG ICC ANG MAG-IMBESTIGA RITO—Sabi ni ex-P-Duterte, insult sa justice system ng Pilipinas ang nais ng ICC (International Criminal Court) na imbestigahan ang pagkakasangkot niya sa extra judicial killings (EJK) sa bansa.


Sa totoo lang, hindi insulto ‘yan dahil sa nakalipas na anim na taong bloody drug war ng Duterte administration, hindi naman nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang DOJ (Department of Justice) para alamin kung sino ang ‘utak’ ng EJK sa Pilipinas.


At dahil nganga lang sa EJK ang DOJ, tama lang na mag-imbestiga ang ICC para panagutin sa kasong crimes against humanity ang mga sangkot sa EJK sa ‘Pinas, period!


◘◘◘


DAHIL SA PAGTAAS NG PRESYO NG MGA PRODUKTONG PETROLYO, ASAHANG SISIRIT PA ANG INFLATION RATE SA ‘PINAS—Pumalo na sa 8.3% ang inflation rate sa Pilipinas noong Enero 2023, ibig sabihin, ang sobrang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin ay magpapatuloy ngayong Pebrero.


At ‘yang inflation rate na 8.3% ay asahang sisirit pa dahil sabay-sabay na naman na nagtaasan ang presyo ng gasolina, diesel, kerosene at LPG (liquefied petroleum gas).


Alam naman nating lahat na kapag ang mga produktong petrolyo ay nagtaas ng presyo, ang kabuntot niyan ay pagtaas din ng presyo ng mga bilihin at bayarin. Boom!


◘◘◘


2 PULITIKO, KABILANG SA HAHATOL KUNG SINO SA MGA PINAG-RESIGN NA PNP OFFICIALS ANG DAPAT TANGGALIN SA SERBISYO—Kabilang ang mga pulitikong sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong at former Tarlac Congressman Gilbert Teodoro sa limang miyembro ng panel na binuo ni Sec. Benhur Abalos ng DILG (Department of Interior and Local Government) na susuri sa resignation letter ng mga police generals at colonels, kung sino sa kanila ang dapat tanggalin o panatilihin sa serbisyo.


Mantakin n’yo, onli in da ‘Pinas lang na hindi korte ang magpapasya kundi 5-man panel, kabilang ang dalawang pulitiko sa hahatol kung sino sa mga pinag-resign na police officials ang may sala o sangkot sa droga na dapat tanggalin na sa serbisyo. Tsk!

◘◘◘


BAGO PUMAPEL SA PAGSIBAK SA PNP OFFICIALS, DAPAT SIBAKIN MUNA NI MAGALONG ANG MGA PULIS NA ‘NGANGA’ SA MGA MANRARAKET SA BAGUIO CITY—Sa ngayon, namamayagpag sa Baguio City ang mga manraraket na ilegalistang sina ‘Patrick’ na may ilegal na mini-casino sa Legarda Road at Bokawkan Road; at raket na drop balls at color games nina ‘Edna’ at ‘Jimmy’ sa Magsaysay Road at ‘Nestor’ sa Kayang Hill Top.


Sana, bago umepal si Mayor Magalong sa paghatol kung sino sa mga high ranking officials ng PNP ang dapat sibakin sa serbisyo, pagsisibakin niya muna ang mga pulis sa kanyang nasasakupan na walang aksyon para dakpin ang mga ilegalistang ito sa Baguio City, period!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page