Omicron XBB subvariant, XBC variant, may local transmission na – DOH
- BULGAR
- Oct 21, 2022
- 2 min read
ni Lolet Abania | October 21, 2022

Ipinahayag ng Department of Health (DOH) na mayroon nang localized community transmission ng Omicron XBB subvariant, XBC variant sa ilang mga lugar sa bansa.
“May nakikita tayong datos na nagsusuporta na localized ‘yung community transmission,” ani DOH Epidemiology Bureau Director Alethea de Guzman sa isang press briefing ngayong Biyernes.
Ayon kay De Guzman, ang local transmissions ng XBB subvariant ay na-detect sa Western Visayas. Habang nakita naman ang local transmissions ng XBC variant sa Davao at Soccsksargen.
Subalit ang mga naturang local transmissions ay walang kaugnayan sa isa’t isa.
“For us, we say na it’s localized kasi hindi siya buong bansa. Hindi namin madeklara na may community transmission sa buong bansa but in selected regions there is already,” saad ni De Guzman.
Ini-report ng DOH na mayroong 81 cases ng XBB sa Western Visayas at Davao Region. Sa nasabing bilang, 75 ang nakarekober na, 3 ang nananatili sa isolation, habang ang kondisyon ng 3 ay bineberipika pa.
Sa ngayon, wala namang naiulat na nasawi dahil sa XBB subvariant.
Ang 193 kaso ng XBC variant ay nai-report sa 11 rehiyon, kabilang dito ang Cagayan, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, Davao, Soccsksargen, Cordillera, Caraga, Bangsamoro, at Metro Manila.
Sa 193 XBC cases, 173 ang nakarekober na, 3 ang nananatili sa isolation, habang ang resulta ng 9 bineberipika pa.
Sa ngayon, 5 sa mga XBC cases ang namatay na 2 sa kanila ay unvaccinated, isa ang vaccinated, habang ang vaccination ng natitirang 2 ay bineberipika pa.
Batay sa mga eksperto mula sa DOH, hindi na kailangan na magpatupad ng border control sa mga apektadong lugar dahil ang infections ay na-detect na sa iba’t ibang rehiyon.
Sa kabila naman ng naitatalang XBB at XBC, suportado ng mg DOH experts ang patuloy na pagsasagawa ng full face-to-face classes sa mga campuses sa Nobyembre, subalit paalala ng ahensiya ang pagsunod pa rin sa mga health protocols.





Comments