top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Ombudsman, dapat repormahin — Solon

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 30, 2021
2 min read

ni Jeff Tumbado | November 30, 2021



Dapat umanong mareporma ang kasalukuyang sistema sa Ombudsman.


Ito ang inihayag ng dating mambabatas na si Mary Mitzi Cajayon-Uy kasunod ng pagpapawalang-sala sa kanya ng Sandiganbayan sa mga kasong graft at malversation noong Nobyembre 12, 2021.


Kailangan umano ang mga kagyat na reporma upang mapalakas at maipatupad ang mga mandato ng Office of the Ombudsman bilang tagapagtanggol ng estado at ng publiko.


“Mga reporma at iba pang mga hakbang ay dapat na maisabatas upang matiyak na ang mga reklamong inihain sa Ombudsman ay sasailalim sa mas mahigpit na pagsusuri bago magsampa ng mga kaso sa mga Korte upang hindi masayang ang pondo ng gobyerno”, pahayag ni Cajayon -Uy.


Idinagdag pa niya na ang mga partikular na reporma na kanyang isusulong ay ukol sa ilang mga proseso ng nasabing institusyon, partikular na ang pagsisigurong lahat ng reklamong inihahain sa Ombudsman ay dapat na may kalakip na matibay na ebidensya gaya ng proseso ng paghahain ng reklamo sa ibang korte upang matiyak na may sapat na batayan ang mga kaso at hindi lamang ito basta black propaganda.


Paliwanag pa ng dating mambabatas, kailangan ang mga repormang ito para maisakatuparan ng Ombudsman ang mandato nito at magamit nang wasto ang kanilang pondo.


Sa nakalap na datos ng kampo ni Cajayon, mula sa P4.82 bilyon na badyet ng Office of the Ombudsman para sa 2019, P643.2 milyon (51%) ang ginastos sa Anti-Corruption Investigation Program nito, na nagresulta sa 17.88% lamang ng mga nasampahan ng mga kasong kriminal at administratibo.


Bukod pa rito, P469.3 milyon, o 37.3% ng 2019 OMB budget, ang ginastos sa Anti-Corruption Enforcement Program nito, na nag-ambag sa 25% lamang ng mga kasong kriminal at sibil na iniuusig at nagresulta sa paghatol ng mga korte.


“Batay sa mga bilang na ito, tila napakaliit na bahagi lamang ng mga reklamong inihain sa OMB ang talagang case worthy o may sapat na batayan upang makayanan ang imbestigasyon at paglilitis. Ang natitira ay maaaring mga walang matibay na ebidensya o walang basehang mga reklamo.”, ani Cajayon-Uy.


Bukod pa rito, ipinahayag niya na ang mga opisyal ng gobyerno, tulad niya, na maling kinasuhan ay nahaharap sa torture at obligadong gumastos para depensahan ang sarili.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page