Oil Machine, Constructicons at La Union PaOwer wagi sa NBL
- BULGAR
- Oct 9, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 9, 2022

Kinailangan ng Las Pinas Oil Machine ng tatlong overtime upang malampasan ang hamon ng Quezon City All-Stars, 150-147, sa pagpapatuloy ng 2022 National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup Biyernes ng hapon sa Bulacan Capitol Gymnasium. Sa mga sumunod na laban, wagi ang Muntinlupa Constructicons sa Laguna Kings, 104-96 at ginulat ng bisitang La Union PAOwer ang host DF Bulacan Republicans, 99-95.
Binigyan ng mga reserbang sina David Sta. Ana at Nano Alvarado ang Las Pinas ng 147-143 lamang papasok sa huling minuto ng pangatlong overtime. Huling nagbanta ang All-Stars na may 13 segundo sa orasan, 147-149, subalit tiniyak ni Angelo Obuyes ang resulta sa kanyang free throw at hindi na nakapuntos ang Quezon City.
Namuno sa Oil Machine si Alvarado na may 27 puntos habang 25 puntos ang ambag ni Sta. Rosa upang ipantay sa 1-1 ang kanilang kartada. Si Alvarado din ang bumanat ng 3-points upang itakda ng unang overtime, 108-108, habang si Sta. Rosa ang naka-shoot ng mahalagang puntos.
Sa tampok na laban, kinuha ng La Union ang pagkakataon sa biglang paglamig ng Republicans sa huling mga minuto upang maagaw ang solong liderato ng NBL sa ikalawang sunod na tagumpay. Humabol ang PAOwer at ibinura ang 93-86 ang Bulacan papasok sa huling 4 na minuto sa bisa ng 8 sunod-sunod na puntos, 94-93, at isang minuto ang nalalabi.
Naagaw ng La Union ang bola at biglang tumira ng mintis na 3-points si Pascua subalit sinungkit ni Erven Silverie ang rebound sabay foul ni Christian Necio. Walang kabang ipinasok ni Silverie ang dalawang free throw upang magtapos na may 15 puntos, pangalawa kay John Uduba na nagtala ng 25 puntos at 16 rebound.








Comments