OFW Partylist Rep Magsino isinusulong ang house inquiry sa lahat ng airline companies
- BULGAR

- Jul 20, 2023
- 2 min read
by Info @Brand Zone | July 20, 2023
Tiniyak ni Overseas Filipino Workers (OFW) Party-List Representative, Assistant Minority Floor Leader Marissa "Del Mar" Magsino, na pursigido ang Kamara sa inquiry ng airline industry at operasyon ng mga paliparan sa bansa upang tugunan ang hinaing ng publiko hinggil sa mga kanselasyon at delays sa mga flight schedules.

Sinabi ni Magsino na tiniyak ng liderato ng Kamara na agad isasalang sa komite ang pagtalakay sa House Resolution 1105, na kanyang isinumite noon pang naka-recess ang Kongreso, sa oras na buksan ang sesyon kasabay ng State of the Nation Address ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Magsino, layunin ng HR 1105 na lutasin ang hinaing ng mga OFWs hinggil sa paulit-ulit na reklamo sa flight delays at cancellations ng airline operators sa lahat ng paliparan sa bansa.
Sinabi rin ni Magsino na ang ninanais na mangyari ay magkaroon ng maagang impormasyon ang mga pasahero sa flight delays and cancellations at obligahin ang airline companies, halimbawa dalawang araw na abiso, at tulungan ang mga pasahero na magbook sa ibang airline kapag hindi na maisaayos ang cancellation ng flight.
Giit ni Magsino na napapanahon na para repasuhin ng Kongreso ang mga protocols, air travel laws, at mga sistema sa operations ng mga airport upang masigurong nasusunod ang passenger bill of rights.
Idinagdag pa ni Magsino na maraming OFW ang nawalan ng trabaho, nagalit ang mga employer at nagbayad ng mga penalties, dahil sa mga delayed at kanseladong flight papuntang ibang bansa.
Ayon pa kay Magsino, layunin ng HR 1105, na makamit ng bansa ang progresibong kaunlaran sa air transport industry at maging kapakipakinabang ang industriya sa pagpapalakas pa ng sektor ng turismo sa bansa.
"Hindi lamang mga OFW ang gusto natin tulungan kundi lahat ng pasahero ng eroplano, maging local tourists at foreign travellers," dagdag pa ni Magsino.





Comments