Excise tax sa LPG at kerosene, sinuspinde na

ni Mylene Alfonso @News | September 24, 2026

Photo: Sara Duterte at Sal Panelo - FB
Sinuspinde na ng Department of Finance (DOF) ang excise tax sa LPG at kerosene bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng nagpapatuloy na sigalot sa Middle East.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang budget ng DOF nitong Martes, inanunsyo ni Finance Secretary Frederick Go na agad niyang nilagdaan ang resolusyon matapos itong makarating sa kanyang tanggapan.
“Kanina lang po umabot sa akin, pinirmahan ko agad-agad,” ani Go.
Gayunman, nilinaw ng DOF na hindi isasama ang diesel at gasolina sa suspensyon ng excise tax.
Ayon sa ahensya, ang pagtanggal ng buwis sa dalawang produktong ito ay hindi magiging “progressive” at maaaring magdulot ng humigit-kumulang P12 bilyong pagkawala sa kita ng gobyerno bawat buwan.
Ipinaliwanag ni Go na batay sa payo ng mga ekonomista, mas malaki ang pakinabang ng mga mayayamang sektor sa pagbawas ng buwis sa diesel at gasolina dahil sila ang mas malakas gumamit ng mga ito.
Sa halip, sinabi ng DOF na magpapatupad ito ng targeted fuel subsidies upang matulungan ang mga pinakaapektadong sektor habang patuloy na tumataas ang presyo ng krudo.





Comments