OEC ng OFWs, gawing libre — P-BBM
- BULGAR

- Jul 10, 2023
- 1 min read
ni Mylene Alfonso | July 10, 2023

Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Department of Migrant Workers (DMW) at ang iba pang ahensya, na gawing libre ang aplikasyon para sa Overseas Employment Certifications (OEC) bilang pagpupugay sa serbisyo at sipag ng mga Pilipinong manggagawa.
Ayon sa Presidential Communications (PCO), inilabas ng Pangulo ang direktiba sa pakikipagpulong sa DMW, Bureau of Immigration (BI), at Department of Information and Communications Technology (DICT) sa Palasyo kung saan ipinakita ng migrant agency ang DMW Mobile App.
Ayon kay DMW Secretary Maria Susana ‘Toots’ Ople, hinihintay na lamang nila ang pag-apruba ng DICT para sa opisyal na paglulunsad ng “DMW Mobile App” upang matiyak ang cybersecurity features nito.
"Kaunting hintay na lang po. Kami po ay nakikinig sa inyo. Alam namin na napakalaking bagay ‘yung OEC. So, ginagawa po naming lahat para ma-address itong issue na ito with the use of technology. So, abangan n'yo na lang po. Kaunting pasensya pa po pero malapit na ang ating launch," dugtong ng kalihim.
Ayon sa PCO, naglalaman ang app ng OFW pass, isang digital at secure na bersyon ng OEC, o ang digital identity ng mga migrant workers.
Matapos ang dalawa hanggang tatlong buwan, papalitan ng OEC ang OFW pass sa pag-activate nito.
Nabatid na ang OFW Pass ay QR-code generated at maaari lamang makuha sa pamamagitan ng mobile application, habang ang OEC ay kailangang iproseso on-site na may P100 application fee.
Inaasahan din na isasama ng ahensya ang Mobile App nito sa eTravel at e-Gate system ng BI, at ili-link ito sa eGov PH Super App ng DICT.
Kapag naaprubahan, ang DMW Mobile App ay maa-access sa Google Play at Apple App Store.








Comments