top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Numero, kulay, at tao na suwerte sa dalagang may birth date no. 1

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 28, 2023
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | April 28, 2023

Dear Maestro,


Malapit na ang birthday ko, kaya naisipan kong magpabasa sa inyo. Ano ang mga pampasuwerteng bagay para sa mga taong tulad ko na isinilang sa petsang 1 at may zodiac sign na Taurus upang magkaroon din ako ng isang maunlad at maligayang buhay? May 1, 1993 ang birthday ko.


Umaasa,

Edralyn ng Bagong Silang, Lumban, Laguna

Dear Edralyn,


Ang birth date mong 1 ay nangangahulugang ikaw ay under sa planetang Sun dahil ang planeta ng mga taong isinilang sa petsang 1, kabilang ang 10, 19 at 28 ay ang Sun o ang Haring Araw.


Dagdag pa rito, kapansin-pansin na bukod sa birth date na 1, ikaw din ay may destiny number na 1 (dahil ang May 1, 1993 ay kinokompyut ng ganito: 5+1+1993=1999/ 19+99=118/ 11+8=19/ 1+9=10/ 1+0=1).


Ang pinakamapalad mong kulay ay ang kulay ng araw na yellow, puwede rin ang orange, na nagaganap sa panahong papalubog ang araw sa kanluran o kasisikat pa lamang ang araw sa silangan ay mala-kahel din ang kanyang kulay.


Sinasabi rin na kayong mga Taong Uno (1) o Taong Sun, ay dapat makisama sa mga taong isinilang sa impluwensya ng Moon dahil ang Moon at Sun ay kailangang palaging magkasama at magkaagapay dahil kung ang Araw ay siyang tanglaw sa araw o day time, habang ang Buwan ang siyang tanglaw sa gabi ng ating buhay at karanasan. Kaya kapag magkasama ang Araw at Buwan sa ating kapalaran, nahahawi nito ang kadiliman, kumbaga, maaliwalas at maliwanag ang ating buhay at kapalaran.


Sino naman ang mga taong isinilang sa planetang Moon kung Numerology ang pagbabatayan?


Silang may birth date na 2, 11, 20, 29, 7, 16 at 25. Ang 7, 16 at 25, ay nasa ruling planet na Neptune, inihahalintulad din sila sa Moon dahil may iisang katangian ang Neptune at Moon, kung saan, pareho silang water elements.


Kaya kapag ang Moon at Sun ay nagsama, tunay ngang uunlad at magiging maligaya ang buhay na mga nabanggit na numero, lalo kung nagkataong compatible sila sa Astrology.


Alalahanin mo, Edralyn, ang Numerology pa lang ang pinag-uusapan, kung saan Moon at Sun na planeta sa itaas, wala pa ang Astrology.


Kaya kung sasamahan mo pa ng Astrology o zodiac sign, bukod sa mga taong may birth date na 2, 11, 20, 29, 7, 16 at 25, kailangang makasama ng isang Taurus na tulad mo ang kapwa niya earth type element na Virgo, Capricorn, at Taurus, gayundin ang water type sign na Scorpio at ang ka-ruling planet ng Taurus na Libra, sapagkat ang Libra at Taurus ay may iisang planeta, ito ay ang planetang Venus.


Sa ganitong paraan, habang dumaranas at nabubuhay ka sa mundong ito, matatagpuan mo ang isang tao na ka-compatible mo, at palagi kang susuwertehin, magiging maligaya, at magtatagumpay.


Ang isa pang mabisang pampasuwerte na magbibigay ng magandang kapalaran para sa mga taong Taurus ay ang magandang kapaligiran — kapaligirang puno ng mga berde at bulaklaking halaman sa paligid ng kanilang bahay.


Mas angkop kung bukod sa mga halaman, may batis na malinaw ang tubig sa harapan ng bahay. Kapag ganu’n ang kapaligiran ng isang Taurus, kasabay ng paglago at pamumukadkad ng mga halamang kanyang inaalagaan, ganundin kaganda, kaluntian, kakulay, at lalago pa ang kanyang karanasan at kapalaran.


Ayon sa Decadens ng Kapalaran, nakatakdang mangyari at maganap ang napipintong pag-angat ng graph sa aspetong pangkabuhayan at pakikipagrelasyon sa iyong buhay, sa taon ding ito ng 2023 hanggang 2025 at sa edad mong 30 pataas.


Sa panahong ito ng iyong buhay, mararamdaman mo na ang lahat ng mga pangyayari ay pumapabor sa iyong kagustuhan, hanggang sa tuluy-tuloy kang sumagana at lumigaya habambuhay.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page