Numero at outlet na magpapatama sa lotto
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | March 29, 2023
Dear Maestro,
Nag-a-apply ang anak ko ngayon sa abroad. Ang problema, kinakapos na kami ng panggastos, kaya hihingi rin ako ng mga numero na puwede kong tayaan sa lotto.
Sana, matulungan n’yo akong tumama ng malaki-laking halaga upang matupad ang pangarap ng panganay kong anak na makapangibang-bansa upang guminhawa na ang aming buhay at mapag-aral ko ang iba ko pang mga anak.
April 4, 1969 ang birthday ko.
Umaasa,
Arlene ng Tabing Ilog, Marilao, Bulacan
Dear Arlene,
Ang birth date mong 4, sa destiny number na 6 (4+4+1969=1977/ 19+77=96/ 9+6=15/ 1+5=6) at zodiac sign na Aries, ang nagsasabing bukod sa sarili mong numerong 4, mapalad ka rin sa mga numerong 2, 19, at 24, gayundin sa numerong 8, 29 at 37. Maaari ka ring humugot ng kumbinasyon hango sa Cabalistic of Numbers: 137/832/ 572/ 528.
Bukod sa nasabing mga numero, suwerte ka rin tuwing sasapit ang araw ng Martes, Sabado at Linggo sa kulay na dilaw at pula.
Likas kang mapalad ka tuwing sasapit ang ika-20 ng Marso hanggang ika-28 ng Abril, gayundin sa ika-20 ng Hulyo hanggang sa ika-28 ng Agosto at mula sa ika-20 ng Nobyembre hanggang sa ika-28 ng Disyembre, lalo na ngayong 2023, mula Enero hanggang Mayo ay nasa zodiac sign na Aries ang suwerteng planetang Jupiter, na tiyak na magbibigay sa iyo ng magandang kapalaran sa larangan ng career at materyal na bagay, gayundin sa anak mong panganay na pangarap makapag-abroad.
Ang batong diamond na palamuti sa gintong singsing ang magsisilbing panghigop ng suwerte at pantaboy din sa kamalasan.
Upang masigurado ang malaking panalo, maghanap ka ng lotto outlet na malapit sa tindahan ng mga damit – ang nasabing lotto outlet ang magpapatama sa iyo ng malaking halaga sa taon ding ito ng 2023 hanggang 2024 at sa edad mong 54 pataas.




Comments