top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

“Nuclear waste” na itatapon ng Japan sa karagatang pasipiko, pinalagan ng mga mangingisda

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 23, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 23, 2023


Pinalagan ng isang grupo ng mga mangingisda ang plano ng Japan na pagtapon umano ng maraming treated radioactive material sa Karagatang Pasipiko, na maaari anilang makaapekto sa mahuhuli nilang mga isda.


Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), kinumpirma ni Japanese Prime Minister Kishida Fumio na magtatapon sila ng 1.3 milyong metrong tonelada ng “treated waste water” mula Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant sa Huwebes, Agosto 24, 2023, patungong Pacific Ocean.


Sinabi ni PAMALAKAYA Vice Chairperson Ronnel Arambulo, partikular sa Pilipinas kung saan sakop ng Karagatang Pasipiko ang ating silangang bahagi, walang alinlangan na maaapektuhan ang ating mga fishing resources, lalo na at papalapit na ang Northeast Monsoon o Amihan sa huling quarter.


Aniya pa, isa sa pinaka-expose at vulnerable na bahagi ng ating dagat ay ang resource-rich Philippine Rise (dating Benham Rise). Matatagpuan sa silangan ng Luzon, ang Philippine Rise ay mayaman sa iba’t ibang marine resources, gayundin ang mga mineral at gas deposits.


Nangangamba rin ang grupo na hindi malayong makaabot ng Bicol region at iba pang bahagi ng bansa ang naturang toxic treated wastewater habang nakakatakot ang posibleng environmental catastrophe o sakuna sa ating kapaligiran na maaaring magmula sa naturang “toxic radioactive wastes.”


Gayunman, nakipag-ugnayan na ang PAMALAKAYA sa iba’t ibang environmental groups sa Japan at Taiwan para sa isasagawang mga kilos-protesta kaugnay nito sa pagtatapos ng Agosto.


Pahayag pa ni Arambulo, hinihikayat din nila ang mga concerned government agencies gaya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Bureau Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na suportahan ang oposisyon o pakikipaglaban ng mga Filipino fisherfolks, environmentalist, at iba pang eksperto, laban sa hakbang na ito.


Samantala, iginigiit ng Japan na ang pagpapalalabas ng wastewater mula sa Fukushima nuclear plant, na siyang dini-decomission sa ngayon, ay “ligtas,” bagay na sinasang-ayunan umano ng United Nations atomic agency.


Nakakabahala ang nais na gawin ng Japan na pagtatapon ng treated radioactive material sa karagatan. Matatandaang tinamaan ng malakas na lindol at tsunami ang Fukushima nuclear plant noong Marso 2011, na nag-iwan ng nasa 18,000 katao na nasawi sa isa sa pinakamatinding atomic disaster sa kasaysayan.


Hindi lamang ito mapanganib sa kalusugan, kundi pati na rin sa kaligtasan ng mga mamamayan.


Marahil, dapat na pagtuunang mabuti ito ng pansin ng kinauukulan dahil hindi biro ang ganitong klase ng usapin na posibleng magdulot ng matinding epekto sa ating lahat.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page