Non-stop banat kay VP Sara, may bahid pamumulitika
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 12, 2023
WALANG KATAPUSANG ATAKE KAY VP SARA, MAY BAHID PULITIKA -- Para hindi na magkahati-hati ang mamamayan sa isyu ng confidential funds, nagpasya na si Vice Pres., Dept. of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte-Carpio na hindi na ipursige ang hinihingi niyang confi funds para sa Office of the Vice President (OVP) at Office of the DepEd secretary.
Ang desisyong ‘yan ni VP Sara ay pinuri ni Sen. Bong Go, pero ang ibang pulitiko, imbes na purihin ang Bise Presidente sa hindi na pagtanggap ng confi funds ay binabatikos pa rin ng mga anti-Duterte politicians ang anak ni ex-P-Duterte.
At dahil sa wala nang katapusang atake sa Bise Presidente ay lumalabas ngayon na totoo ang sinabi ni Sen. Imee Marcos na ang mga pag-atake kay VP Sara ay may bahid pulitika dahil nga ito ang frontrunner sa 2028 presidential election, period!
◘◘◘
DAPAT ATUPAGIN NG MGA PULITIKO, LUTASIN ANG MGA PROBLEMA NG ‘PINAS AT HINDI PANUNUMPA SA MGA PARTIDO NINA P-BBM AT SPEAKER ROMUALDEZ -- Matapos manumpa ang ilang pulitiko sa partidong Lakas-CMD na pinamumunuan ni Speaker Martin Romualdez ay nanumpa naman ang ilang pulitiko rin sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na pinamumunuan naman ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM).
Hay naku, ang daming problema ng Pilipinas, tapos ang inaatupag ng mga pulitiko ay manumpa sa mga partido ng mapinsang P-BBM at Speaker Romualdez, tsk!
◘◘◘
HINDI DAPAT PINUPURI NI GADON ANG CHINA NA NANGHA-HARASS AT NAMBU-BULLY SA ‘PINAS -- Nagsagawa na naman ng pangha-harass at pambu-bully ang China Coast Guard (CCG) sa mga tropa ng Philippine Coast Guard (PCG) na maghahatid ng supply sa mga sundalong Pinoy na nakabantay sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, at imbes na makiisa si Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon sa pambabatikos sa China, eh mantakin ninyong pinuri pa ang Chinese gov’t. na kesyo sa loob daw ng 10 years ay nagawa ng China na lutasin ang kahirapan sa bansang ito.
Bagama’t magkaiba ang isyu ng harassment ng CCG sa PCG at ng paglutas ng China sa kahirapan noon ng kanilang bansa, hindi dapat pinupuri ni Gadon ang bansang nangha-harass at nambu-bully sa ‘Pinas, period!
◘◘◘
MGA MAGSASAKA, MANGINGISDA AT MALILIIT NA NEGOSYANTE, MAHIHIRAPAN NANG MAG-LOAN SA LBP AT DBP? -- Ayon sa mga ekonomista at bankers ay malaki raw ang magiging epekto sa mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyante ang pag-remit ng Land Bank of the Philippines (LBP) ng P50 billion at pag-remit ng Development Bank of the Philippines (DBP) ng P25 billion sa Maharlika Investment Fund (MIF) dahil daw baka mahirapan na o hindi na makapag-loan ang mga sektor na ito sa dalawang bangko ng gobyerno.
Kaya kapag nagkatotoo ang sinabing ‘yan ng mga ekonomista at bankers, lalabas na palpak at pahirap pala sa mamamayan ang MIF na ‘yan, boom!





Comments