“No vaccination, no work” policy, ‘di uubra

@Editorial | March 5, 2021
Kasabay ng pag-arangkada ng bakuna kontra COVID-19, lumutang naman ang “no vaccination, no work” policy, partikular sa pribadong sektor.
Agad naman itong binalaan ng Department of Labor and Employment (DOLE). Ayon sa ahensiya, parurusahan ang mga employers o negosyanteng magpapatupad ng nasabing polisiya.
Malinaw umano na ito ay ilegal.
Iginiit ng DOLE na hindi dapat pilitin ang mga empleyado sa pribado at maging sa gobyerno na magpabakuna. Anuman ang desisyon ng manggagawa ay dapat na respetuhin tulad nang paggalang sa mga nagpaturok na at magpapabakuna pa lang.
Ganito rin ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte — walang pilitan at tinatanggap umano ito nang buong kalooban ng Punong Ehekutibo.
Hayaan muna nating maunawaang mabuti ng mga manggagawa at ng mismong publiko ang kahalagahan ng bakuna. Hintayin nating ibigay nila ang tiwala na sila’y ligtas sa ituturok at higit sa lahat, ‘yung lubos nilang matanggap ang dahilan kung bakit dapat magpabakuna.
At ito ang hamon sa mga ahensiya ng gobyerno na nangunguna sa pagbabakuna kontra-COVID-19.
Para naman sa mga natatakot pa ring magpabakuna, kahit paano ay buksan din natin ang ating isip at kalooban.
Unang-una, iwasan nating maapektuhan sa kaliwa’t kanang isyu na nakakagulo sa sitwasyon, pangalawa ay matuto tayong makinig at umunawa, higit sa lahat ay magdasal.
Kung paano tayo nanalangin noon na sana’y makagawa na ng bakuna laban sa COVID-19, patuloy tayong magdasal ngayon na sana’y maging ligtas at epektibo naman ang mga ito.



Comments