No-take policy' para matigil ang protection racket sa illegal gambling, ideklara
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | Pebrero 24, 2023
BAGONG PNP-REGION 3 DIRECTOR JOSE HIDALGO, DAPAT MAGDEKLARA NG ‘NO-TAKE POLICY’ SA CENTRAL LUZON—Bago na ang head ng PNP-Region 3 sa katauhan ni Brig. Gen. Jose Hidalgo, at ayon sa newly-appointed Central Police Director, paiiralin niya ang malasakit, kaayusan, kapayapaan at kaunlaran. Kaya lang, ang masaklap ay wala siyang idineklarang ‘no-take policy’, ibig sabihin, walang pulis na tatanggap ng ‘tongpats’ sa mga illegal gambling sa Bulacan, Pampanga, Zambales, Nueva Ecija, Tarlac at Bataan.
Kapag nagdeklara si Gen. Hidalgo ng ‘no-take policy’, tiyak na magtitiklupan ang mga gambling lords sa Central Luzon, at tiyak matitigil na ang protection racket ng mga scalawag sa mga illegal gambling sa Region 3. Boom!
◘◘◘
DAPAT UMAKSYON NA ANG CIDG AT IMEG PARA MATIGIL NA ANG SAKLA, LOTTENG, DROP BALLS AT COLOR GAMES SA CENTRAL LUZON—Araw-araw, ang daming mamamayan ang nararaket ng mga gambling lords sa operasyon ng kanilang sakla, lotteng, color games at drop balls sa Central Luzon.
Kung walang gagawing aksyon dito ang mga PNP-provincial directors ng Bulacan, Pampanga, Zambales, Nueva Ecija, Tarlac at Bataan, dapat nang umaksyon dito ay sina PNP-Criminal Investigation and Detection Service (CIDG) Director, Gen. Romeo Caramat at PNP-Integrity Monitoring Enforcement Group (IMEG) Director, Gen. Warren de Leon, magsanib-puwersa na silang hulihin ang mga ilegalista para matigil na panraraket ng mga ito sa mga taga-Central Luzon, period!
◘◘◘
KAPAG MAY PIYESTA, NAGPIPIYESTA RIN SA PANRARAKET ANG MGA GAMBLING LORDS—Panahon ng piyesta ngayon at kung dati ay mamamayan lang ang nagdiriwang ng kapistahan sa kanilang mga lugar, ngayon, pati ang mga gambling lords nakiki-celebrate na rin.
‘Ika nga, kapag may piyesta sa isang siyudad, munisipalidad o barangay, piyesta rin ang mga gambling lords ng color games at drop balls sa pangraraket sa mamamayan kung saan may idinadaos na piyesta. Boom!
◘◘◘
BULACAN PD, COL. ARNEDO, ‘NGANGA’ SA RAKET NA SAKLA-PATAY—Sa jurisdiction ni Col. Relly Arnedo sa Bulacan, sangkaterba ang nag-o-operate ng saklang-patay.
Diskarte ng mga gambling lords ng sakla ay maghanap ng mga nakaburol na patay at saka maglalagay dito ng sakla upang pagkakitaan ang mga taong nakikipaglamay. Ang nangyayari ay ‘yung pang-abuloy sa pamilya ng namatayan ay nararaket pa dahil napupunta pa sa sakla operator.
Bawal sa batas ang sakla, kaya hindi nabibigyan ng permit ‘yan, pero kataka-taka lang talaga kung bakit hindi ipinauhuli at ipinatitigil ni Col. Arnedo sa kanyang jurisdiction ang ganitong uri ng raket. Tsk!





Comments