top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

‘No political changes’ daw sa Cha-Cha, pero ‘pag nabalangkas ‘yan, isisingit tiyak ang ‘no term limit’

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 18, 2024
2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Enero 19, 2024


TAMA SI SEN. IMEE NA GUMAWA NA LANG NG BATAS PARA PALAKASIN ANG PAGNENEGOSYO SA ‘PINAS KAYSA BAGUHIN ANG KONSTITUSYON – Gusto ni presidential sister, Sen. Imee Marcos na kung ang nais lang ng mga nagsusulong ng Charter Change (Cha-cha) ay mabago ang mga probisyon sa Saligang Batas na may kinalaman sa pagnenegosyo sa bansa, dapat daw gumawa na lang ng batas na magpapaunlad sa mga negosyo sa Pilipinas at hindi na kailangang baguhin ang nilalaman ng Konstitusyon.


Duda kasi ni Sen. Imee na hindi lang ang economic provision sa Saligang Batas ang nais baguhin ng Kongreso, kundi pati ang term limit ng mga pulitiko, kasi sa totoo lang, karamihan sa mga politician ay pabor sa “no term limit” dahil ayaw na nilang umalis sa kanilang mga puwesto, period!


◘◘◘


KAPAG CHA-CHA BINALANGKAS NA, TIYAK MAISISINGIT D’YAN ANG ‘NO TERM LIMIT’ -- Sabi ng ilang kongresista ay “no political changes” daw na magaganap sa Cha-cha, kundi magpopokus lang daw sila sa economic provisions.


Sa totoo lang, sabi lang nila ‘yan na wala silang babaguhin sa mga political provisions sa Konstitusyon, pero kapag naaprub na ‘yang Cha-cha ay asahan na ng mamamayan na maisisingit d’yan ang “no term limit” sa mga pulitikong nakapuwesto, boom!


◘◘◘


HIRIT NG DOTr AT LTFRB SA SC NA IDISMIS ANG PETISYON NG PISTON, INDIKASYON NA GUSTO TALAGA NILANG MAWALAN NG HANAPBUHAY ANG MGA TSUPER -- Humirit ang Dept. of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Supreme Court na idismis ang petisyon ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na ibasura ang anti-poor na Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program ng Marcos administration dahil ang idudulot ng programang ito ng gobyerno ay pagkawala ng hanapbuhay ng mga tsuper at operator ng mga traditional jeepney.


Talaga itong mga tao ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) sa DOTr at LTFRB ay gustung-gusto yata mawalan ng hanapbuhay ang mga tsuper at operator ng mga traditional jeepney sa bansa, tsk!


◘◘◘


SINO ANG NAGBIGAY NG BASBAS PARA MAKAPASOK SA BANSA AT MAKAPAG-IMBESTIGA SA EJK ANG MGA ICC INVESTIGATORS? -- Nang tanungin ng mga mamamahayag si Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Benjamin Acorda kung may mga imbestigador na ng Internal Criminal Court (ICC) ang nakapasok sa Pilipinas na nagsasagawa na ng imbestigasyon patungkol sa extrajudicial killings (EJK) sa bansa sa panahon ng Duterte administration, ay hindi ito kinumpirma at hindi rin ito itinanggi ng PNP chief.


Kapag ganyan ang sagot ng isang opisyal ng pamahalaan, isa lang ang ibig sabihin n’yan na totoong may mga ICC investigators na sa bansa.


Kaya’t ang tanong: Sino sa mga opisyal ng gobyerno ang nagbigay ng basbas para imbestigahan ang EJK sa bansa na tiyak magpapahamak kina ex-P-Duterte, Sen. Ronald dela Rosa at iba pang may kaso sa ICC? Boom!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page