top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

‘No homework policy,’ isinusulong sa kamara

Writer: BULGAR
BULGAR
May 30, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 30, 2023


Isinusulong ni Tutok To Win party-list Rep. Sam Verzosa ang "no homework policy" sa lahat ng elementarya at sekondaryang paaralan sa bansa.


Ayon kay Verzosa, batay sa World Population Review, ang Pilipinas ay nasa ika-111 sa 199 na bansa, na may average na intellectual quotient na 81.64, malayo sa global average IQ ng isang tao na 100.


Batay sa Program for International Student Assessment noong 2018, nakakuha ang Pilipinas ng pinakamababa sa pagbabasa at pangalawa sa pinakamababa sa agham at matematika.


Samantala, sinabi ng Philippine Institute for Development Studies na ang bansa ay mayroon pa ring mataas na bilang ng attendance sa lahat ng antas ng sistema ng edukasyon kumpara sa mga bansang may katulad na development state.


Ipinahihiwatig ng panukalang-batas na kailangang mas maging produktibo ang bansa sa pag-aaral at bawasan ang takdang-aralin.


Nagbabala rin ang mambabatas na ang pagkakaroon ng maraming takdang-aralin ay nagdudulot ng stress at physical health problems.


Ayon sa Department of Education (DepEd), nakapagtala ang bansa ng 404 kaso ng pagpapakamatay at 2,147 ang nagtangkang magpakamatay na mga mag-aaral. Ipinunto ni Verzosa na ang pagkakaroon ng maraming takdang-aralin ay maaari ring maging sanhi ng mga kasong ito.


Ayon sa panukalang-batas, ang mga bata mula sa mga disadvantaged homes ay malamang na nagtatrabaho pagkatapos ng klase o nananatili sa bahay nang mag-isa sa gabi at nag-aalaga sa kanilang mga kapatid habang ang kanilang mga magulang ay nagtatrabaho.


Ang hindi pagpapatupad ng takdang-aralin sa mga mag-aaral ay hindi magandang suhestiyon na ihain. Ang silbi ng mga takdang-aralin ay para sa self-assessment ng mga bata kung mayroon silang natutunan, at para rin sila ay makapag-self-study.


Gayunman, tinutulungan din ng takdang-aralin na malaman ng mga magulang ang kalagayan ng kanilang mga anak sa pag-aaral. Tinutulungan din nito ang isang bata na maging responsable.


Sa panahon ngayon, napakaraming modernong kagamitan ang ginagamit bilang katuwang sa pag-aaral tulad na lamang ng mga cellphone at computer.


Kung maisasabatas ang ‘no homework policy’, tiyak na mawawalan ng silbi ang lahat ng itinuturo ng mga guro dahil hindi nila alam kung mayroon talagang natutunan ang mga mag-aaral paglabas nila ng paaralan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page