top of page
Search
BULGAR

NISPEROS AT GANDLER BUMIDA, SWAK NA SA SEMIS ANG 'PINAS

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 26, 2024


Photo
File photo: Rio Deluvio / IG

Habang tumatagal ay lalong nahahasa ang Alas Pilipinas at nanatiling perpekto ang kartada sa 2024 AVC Challenge Cup for Women matapos ang 25-16, 25-13 at 25-15 pagwalis sa Iran kagabi sa maingay na Rizal Memorial Coliseum.  Tampok ang kanilang pinakamalupit na porma, kontrolado ng mga Pinay ang buong laro at nakakatiyak na sa semifinals sa kartadang 3-0 at isang laro pa sa naghihintay na Chinese-Taipei. 


      Nagawa ng Alas ang hindi pa nilang nagawa sa unang dalawang tagumpay sa Australia at India – ang makuha ang unang set.  Ang magandang simula ay nadala nila sa mga sumunod na set at walang nagawa ang mga Iranian. 


    Kinuha ni Coach Jorge Souza de Brito na balasahin ang kanyang mga manlalaro at magsubok ng mga bagong kombinasyon.  Kahit sinong ipinasok ay nag-ambag simula kay Vanie Gandler na tumulong kasama sina Sisi Rondina upang itayo ang 21-14 bentahe sa unang set at hindi nila binitawan ito na kabaligtaran ng kanilang ibang mga laro.

 

       Inilatag nina Fifi Sharma at Rondina ang pundasyon sa pangalawang set at nag-tabi sila ng lakas hanggang pumasok ang reserbang si Aira Panique para tapusin ang trabaho.  Tila natunaw ang Iran walang makapigil sa arangkada ng Alas sa pangunguna muli nina Rondina, Sharma, Angel Canino at isa pang magic bunot Faith Nisperos na ibinaon ang huling dalawang puntos ng gabi. 


       Kahit hindi masyadong ginamit, positibo ang tugon nina Nisperos, Panique, Cherry Nunag at Dell Palomata at ipamalas ang lalim ng koponan.  Nagpasya din si Coach na pahingahin sina Eya Laure at Thea Gagate. 


       Hahanapin na ng Alas ang perpektong 4-0 kartada at tiyak na pagiging numero uno sa Grupo A laban sa Chinese-Taipei na ipinadala ang kanilang Under-20 koponan.  Mahalaga maging numero uno upang maiwasan ang defending champion Vietnam na winalis ang Grupo B at sa halip ay labanan ang isa sa Hong Kong o Kazakhstan sa knockout semifinals sa Martes sa parehong palaruan.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page