Ngayong Year of the Ox... 16 na bagay na bawal gawin ngayong Chinese New Year
- BULGAR

- Feb 12, 2021
- 3 min read
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | February 12, 2021

Wakanga! Gong Ci Fa Cai ayon sa pagbati sa wikang Mandarin. Ang Kung Hei Fat Choi ay wikang Fookien na mas karaniwang ginagamit sa Pilipinas. May 16 na bagay daw ngayong Chinese New Year of the Ox na base sa pamahiin ng mga Tsino na hindi dapat gawin hanggang ika-15 araw ng Lunar New Year.
1. HUWAG IINOM NG ANUMANG KLASE NG GAMOT. Sa paniniwala ng mga Tsino, hindi raw mainam na mag-take ng herbal o anumang pildoras sa unang araw ng lunar year dahil buong taon umano na magkakasakit ang tao. Sa ilang lugar, matapos na isigaw ang Niu Yil sa hatinggabi, magbabasag sila ng gallipots (medicine pots) dahil pinaniniwalaang ang tradisyon na ito ang tataboy sa mga sakit sa buong taon.
2. HINDI DAPAT MAGWALIS O MAGLABAS NG BASURA. Ang pagwawalis ay banta ng paglalabas ng suwelte mula sa bahay o pamilya. Ang paglalabas naman ng basura ay paglabas din ng yaman.
3. HUWAG KAKAIN NG LUGAW O KARNE SA AGAHAN. Mahirap na tao lang daw ang kumakain ng lugaw sa agahan at hindi dapat simulan ng tao na kumain nito sa pagbubukas ng taon dahil masasagap ang "hirap" sa buong taon. Isa umano itong bad omen. Bilang respeto rin sa Buddhist gods (pinaniniwalaang hindi pumapatay ng mga hayop), bawal ang pagkain ng karne sa agahan. Pinaniniwalaan nilang nagpupulong ang mga 'gods' ng ganitong araw.
4. HINDI DAPAT MALIGO AT MAGLABA. Walang dapat maglalaba at maliligo sa una at ikalawang araw ng Niu Yil, dahil ang 2 magkasunod na araw ay kaarawan ni Shuishen, ang Water God. Mainam ito upang hindi 'mahugasan o maanod ang yaman' sa unang araw ng bagong taon.
5. BAWAL MANAHI. Ang paggamit ng kutsilyo at gunting ay hindi dapat gamitin dahil anumang matatalim na bagay na nakakasugat o nakakikitil sa buhay ang magdadala ng malas sa pagpasok ng taon.
6. HINDI DAPAT BUMISITA ANG MAY-ASAWANG BABAE SA MGA MAGULANG NIYA. Pinaniniwalaan umano itong 'back luck' sa parents, nagdudulot ng 'economic hardship' sa pamilya. Ayon sa tradisyon, sa 2nd day lang ng Chinese New Year puwedeng bumisita.
7. HAYAAN ANG MGA BATANG UMIYAK. Ang pag-iyak ng mga bata ay pinaniniwalaang suwelte sa pamilya, kaya dapat na paiyakin ang mga ito sa unang araw ng Niu Yil!
8. IWASANG MAKABASAG O MAKASIRA NG KAGAMITAN. Pahiwatig ito ng kawalan ng kita sa buong taon. Kaya ang mga negosyante ay maingat sa unang araw ng Bagong Taon.
9. BAWAL BUMISITA SA OSPITAL. Maghahatid ng karamdaman ang pagbisita sa ospital sa Niu Yil kaya iwasan ito maliban lang kung may emergency cases.
10. HINDI KA DAPAT MANAKAWAN. Iwasang manakawan ka ng pera o madukutan sa bulsa sa Spring Festival sa paniniwalaang buong taon kang laging mawawalan ng kuwalta.
11. HUWAG KANG MANGUNGUTANG. Iwasang manghiram ng pera at dapat lahat ng utang ay bayad mo na bago ang New Year's eve. At kung mayroon may utang sa'yo, wag ka pupunta sa kanya para maningil. Mamalasin daw sa buong taon ang gagawa niyan.
12. PUNUIN NG BIGAS ANG RICE JAR. Hindi dapat mawalan ng laman ang bigasan dahil may paniniwala na buong taon kang daranas ng pag-aalala o stress at kakapusin sa mga lulutuin, isa itong 'ill omen.'
13. IWASANG MAGSUOT NG PUNIT NA DAMIT. Kung maari ay maayos ang kasuotan lalo na ang mga bata sa Niu Yil dahil 'bad luck' daw kapag punit ang damit ngayong araw.
14. HUWAG MANGANGATAY. Iwasang kumatay ng mga manok, bibe, baboy at isda ngayong Chinese New Year, bago o matapos ang selebrasyon hanggang sa ika-15 araw ng Lunar New Year dahil isa itong 'ill omen,' kamalasan ang hatid ng paggamit ng kutsilyong nabahiran ng dugo o iba pang madugong pangyayari.
15. WAG MAGSUSUOT NG PUTI O ITIM. Iwasang magsuot ng itim o puting damit dahil simbolo ito ng pagluluksa ayon sa tradisyon.
16. HUWAG DING MAGREREGALO. Ang pagbibigay ng regalong tulad ng relo, gunting, peras at marami pang iba ay may bad meaning sa kultura ng Tsino.








Comments