top of page

Ngayong World Teacher's Day... 5 paraan para magpasalamat kina Ma'am o Sir

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 3, 2020
  • 3 min read

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | October 3, 2020




Itinakda ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ang World Teachers Day bilang pagdiriwang ng pinakamahalagang kontribusyon ng guro sa buong mundo.


Sa Estados Unidos ay idinaraos nila ito ng Okt. 5 pero Okt. 6 sa Pilipinas taun-taon buhat noong 1994.


Ang World Teachers' Day ang nagbibigay ng pagkakataon sa lahat na pasalamatan ang mga guro bilang mga propesyonal na may malaking bahagi sa buhay ng mga mag-aaral na mahubog ang kanilang talent at galing sa paaralan.


Sa pagbibigay ng ilang sandali na paggawa ng liham, gumawa ng espesyal na cake o pagbibigay ng bulaklak, puwede mong maipaalam sa iyong guro na binibigyang halaga mo ang pagiging bahagi nila sa buhay mo bilang mag-aaral o bilang matiyagang tagapagturo ng iyong mga anak.

1. SUMULAT.

Hikayatin ang mga mag-aaral na gumawa ng liham kung saan isinasalarawan nila ang kanilang mga ‘di malilimutang alaala maging ang kanyang pag-uugali kung paano niya tinutulungan nang matiyaga para sa bagong mga kaalaman ang kanyang mga estudyante. Ang mga paslit na mag-aaral ay puwedeng mag-drawing ng larawan na nagpapakita ng mga mahahalaga niyang alaala. Kung matagal ka nang wala sa classroom o matagal ka nang hindi nag-aaral,konsiderahin ang pagsulat sa dating guro na siyang pinaka-espesyal na guro sa iyong buhay. Kontakin ang dating eskuwelahan para alamin ang kanyang kasalukuyang address o email address o kaya ay pangalan niya sa facebook o chat messenger o sa iba pang social media page.

2. ISUOT ANG KANYANG PABORITONG SUMBRERO, SCARF O T-SHIRT.

Dahil ang mga guro ay may mga paboritong sumbrero at t-shirts, hikayatin ang mga kabataan na magsuot ng kanilang mga ‘di makakalimutang t-shirt at sombrero na dati nang naisuot noong panahon na kasama nila ang kanilang guro sa isang event. Upang mas maging masaya pa, puwedeng magdaos ng schoolwide parada o rally para muling maisuot ang shirts at sombrero na nagpapaala ng dating mga aktibidad na nakasama ang iyong paboritong guro pero dahil bawal pa ang pagtitipon ay kahit sa zoom o video chat na lamang ninyong ipakita ang inyong pag-aalala sa kanya.


3. AGAHAN O TANGHALIAN.

Ang mga magulang ay puwedeng mag-organisa ng agahan para sa mga guro para maipakita ang kanilang pagpapasalamat sa kanilang papel sa buhay ng mga bata. Hilingan ang mga magulang na magbigay kontribusyon para sa ipadedeliber na tinapay, juices o kape, prutas at iba pang pagkain sa inyong pinakamamahal na guro. Ang iba pang estudyante ay maaaring magpaabot ng mensahe at magpadala ng pagkain sa kanilang teacher, mga artwork o bulaklak na ikatutuwa niya. Konsiderahing tanungin ang bawat estudyante na magbigay kontribusyong mga pangungusap sa pagsasalarawan sa guro na titipunin at babasahin sa oras na maka-video chat siya.

4. INTERNATIONAL THANKS BANNER.

At dahil ang buong mundo ay nagdiriwang ng World Teacher’s Day, magwika ng maraming iba’t ibang lengguwahe kung maaari. Lumikha ng isang malaking banner at mag-drawing ng isang malaking globe o mapa na may disenyo. Humanap ng estudyante (o magulang) na nakapagsasalita ng iba't ibang lengguwahe at sumulat ng “Salamat”sa pamamagitan ng iba’t ibang lengguwahe, tulad ng “Merci, Gracias” sa mas malaking letra sa naturang banner. Hikayatin ang bawat estudyante na sumulat ng kani-kanilang mensahe at pasasalamat na rin (ayon sa lengguwahe na kanilang sinasabi) sa pamamagitan ng video chat.

Ang maliliit na eskuwelahan ay maaaring magsabit ng banner sa entrance ng eskuwelahan. Ang malalaking iskul naman ay maaring gumawa ng banner kada grade level at isabit ito sa cafeteria o auditorium sa iskul, i-video o piktyuran para makita niya sa social media account niya.

5. FLOWER BOUQUET.

Hikayatin ang bawat estudyante na mag-ambag para sa ipadedeliber na bulaklak, kahit anong uri sa araw na iyan. Puwedeng magsuhestiyon ng iba't ibang uri ng bulaklak na paghahaluin sa isang bouquet at alamin din ang paboritong bulaklak ng guro para mas maging masaya siya at maging memorable sa kanya ang araw na iyan kahit sa panahong ito ng pandemya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page