‘Nganga’ kasi ‘pag nalugi… Mga depositor kabado sa Maharlika Fund, binawi ang savings sa Landbank
- BULGAR
- Dec 17, 2022
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | December 17, 2022
KUNG GUSTO NI P-BBM NA HANGAAN SIYA NG TAUMBAYAN, I-VETO NIYA ANG P650-M CONFI FUNDS NI SARA—Ayon kay DBM Sec. Amenah Pangandaman, may ire-reject si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa 2023 General Appropriation Bill o 2023 National Budget.
Sana kabilang sa mga ibi-veto ng Pangulo ay ang P650 million confidential fund ni Vice-Pres., DepEd Sec. Sara Duterte-Carpio dahil hindi naman ito kailangan.
Kapag ni-reject ng Pangulo ang confi funds ni VP, DepEd Sec. Sara, tiyak na hahanga sa kanya ang taumbayan.
◘◘◘
IPON SA LAND BANK, BINABAWI NA NG MGA DEPOSITOR—Maraming nagpo-post sa social media na wini-withdraw na ng mga depositors ang kani-kanilang savings sa Land Bank of the Philippines (LBP), anila’y dahil ito sa kagustuhan ng mga mambabatas na kunin sa naturang bangko ang pondo sa Maharlika Investment Fund (MIF).
Marahil ay may pangamba ang mga depositors na bumagsak o malugi ang LBP at kalauna’y maipit ang kanilang pinaghirapang pera.
◘◘◘
DOJ, DAPAT UMAKSYON NA LABAN KAY QUIBOLOY—Nanawagan si Gabriela Women’s Partylist Rep. Arlene Brosas sa Department of Justice na aksyunan sa Pilipinas ang mga kasong sex child trafficking, sex trafficking by force, fraud and coercion, smuggling at human rights violations, na isinampa ng Amerika laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Mabigat ang mga kaso nito, kaya’t tama ang panawagan ni Rep. Brosas na umaksyon na ang DOJ para walang masabi ang ibang bansa na pinuprotektahan ng gobyerno ng Pilipinas ang pastor.
◘◘◘
MAMAMAYAN ANG SINISISI SA PAGTAAS NG PRESYO NG MGA BILIHIN?—Pinutakti ng batikos ng netizens sa social media si DTI Usec. Ruth Castelo sa statement nitong kahit mataas ang presyo ng mga bilihin ngayong panahon ng Kapaskuhan ay puwede namang mapagkasya ng pamilya ang P500 pang-noche buena.
Sa totoo lang, mabubuwisit talaga ang publiko kasi parang mamamayan pa ang sinisisi sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kaya’t pinagtitipid sa handa sa Pasko.





Comments