top of page

New Manila International Airport (NMIA) sa Bulacan, aprub na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 7, 2020
  • 2 min read

ni Lolet Abania | September 7, 2020



Inaprubahan na sa ikatlo at final reading ng House of Representatives ang pagbibigay sa San Miguel Aerocity, Inc., isang subsidiary ng San Miguel Holdings Corp., ng prangkisa para sa konstruksiyon ng P735 bilyong proyekto na New Manila International Airport (NMIA) sa Bulacan.


Pinagtibay ang panukala na may kabuuang 218 boto ang sumang-ayon, habang anim ang tumutol at dalawa ang abstain.


Naaprubahan ang House Bill 7507 na nagbibigay ng prangkisa sa San Miguel Aerocity, Inc., kung saan ang kumpanya ang magko-construct, magdedebelop, magtatatag, mag-o-operate at magpapanatili sa 2,500 ektarya na itatayong paliparan sa Bulacan na malapit sa siyudad.


Nakapaloob sa ibinigay na franchise sa San Miguel Aerocity, Inc. ang validity nito ng 50 taon at kailangang makumpleto ang konstruksiyon ng airport nang hanggang 10 taon. Dapat ding simulan ang operasyon nito sa loob ng isang taon matapos ang pag-apruba at pagbibigay ng operating permit mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).


Gayundin, kabilang sa itatayong airport ang pagkakaroon ng isang passenger terminal building na may airside at landside facilities, isang airport toll road at apat na runway. Maglalagay din ng 8.4-kilometer tollway na magiging koneksiyon ng paliparan sa North Luzon Expressway sa Marilao, Bulacan.


Inaasahan na ang proyektong NMIA ay makatutulong sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na lalagpas na sa kapasidad. Samantala, mabibigyan ng exemption ang San Miguel Aerocity, Inc. mula sa direct at indirect taxes at fees para sa eksklusibong konstruksiyon, pagsasagawa, pagtatatag at operasyon ng airport at ng airport city sa panahon ng 10-taong pagpapatayo nito.


Dagdag pa sa franchise, may karapatan ang San Miguel Aerocity, Inc. na mag-generate ng income mula sa airport city katumbas ng isang proyekto na may Internal Rate of Return (IRR) ng 12% kada taon. Subali’t, kinakailangan na i-remit sa gobyerno ang anumang halaga na sosobra sa 12 porsiyentong IRR ng airport city.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page