‘Neighboring compatibility’, pansamantalang relasyon lang ang dala kaya ‘di makakatuluyan
kahit labs ang isa’t isa
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 16, 2021
Dear Maestro,
May asawa na ako at nagsasama na lang kami dahil sa mga bata. Mahal pa niya ako pero hindi ko na siya mahal. Siguro ito ay dahil sa loob ng mahigit 10 taon naming relasyon, puro sama ng loob at pagdurusa sa pambababae at pag-inom niya, nawala ang pagmamahal ko sa kanya hanggang sa maging bitter na ako.
Isang araw, hindi ko akalaing iibig ako ulit, kahit 37-anyos na ako ngayon at isang 28 years old na binata ang nagkagusto sa akin. Sabagay, kung titingnan ay mukhang 26-anyos at parang dalaga pa ako. Ramdam ko na talagang mahal niya ako at tanggap niya ako. Nag-abroad siya at iniwanan ako ng pangako at ibinilin niya ako sa mga kaibigan niya at kaibigan ko na bantayan at alalayan ako.
Sa dami ng nakarelasyon ko, iba talaga siya dahil napaka-mature at malawak ang isipan niya. Hanggang isang araw ay nawala ang cellphone ko na tanging koneksiyon namin. Hindi ko na ulit alam kung paano kami magkakaroon ng komunikasyon dahil wala rin siyang Facebook at messenger.
Kahit ano ang gawin ko, palagi siyang nasa puso at isipan ko. Ramdam ko na tapat siya sa akin at mahal niya ako, pero napakatagal ng tatlong taon na kontrata niya. Nanlulumo ako sa bawat araw at parang gusto ko nang mamatay. Mas gusto ko pa na tapatin niya ako at sabihing ayaw na niya sa akin kaysa ganito na patuloy akong umaasa sa pangako niya.
Sabi ng iba, niloko lang ako, subalit sa pagkapa ko sa kaloob-looban ng puso ko, tapat siya at mahal niya talaga ako.
Gusto kong malaman kung magkikita pa ba kami at makakatuluyan ko ba siya? Ano ang magiging kinabukasan naming dalawa? November 23, 1983 ang birthday ko at December 7, 1992 naman siya.
Umaasa,
Ms. Sagittarius ng Sta. Monica, Novaliches, Quezon City
Dear Ms. Sagittarius,
Dahil “neighboring compatibility” lang ang ugnayan o relasyong namamagitan sa inyong dalawa, dahil ang zodiac sign mong bagama’t Sagittarius din ay medyo malapit o may pagka-Scorpio, habang siya naman ay purong Sagittarius, tiyak ang magaganap. Sa bandang huli, makakalimutan mo rin siya o ikaw ang makakalimutan niya upang minsan pa, makatagpo at makahanap naman siya ng mas karapat-dapat na babae para sa kanya.
Hindi ko naman sinasabing hindi ka karapat-dapat na babae, bagkus, ang ipinapaliwanag natin, sa praktikal na aspeto, may asawa at anak ka, habang kung siya naman ay binata, posibleng bumalik sa katinuan ang kanyang pag-aanalisa kung ano talaga ang ideal na pagpapamilya.
Gayunman, dahil matindi talaga ang atraksiyon n’yo sa isa’t isa, hindi naman basta-basta mapuputol ang inyong samahan o ugnayan. Kumbaga, palagi pa rin kayong may ugnayan sa isa’t isa, ngunit hindi naman mauuwi sa isang lehitimong relasyong parang tunay na mag-asawa.
Kaya ang mas makabubuti mong dapat gawin ay maniwala sa sinasabing “Better luck next time”.
Ibig sabihin, doon sa mga lalaking mas ka-compatible mo talaga tulad ng Leo, Aries, Cancer, Pisces o kapwa mo Scorpio na may birth date na 5, 14, 23, 7, 16, 25, 3, 12, 21, 30, 9, 18 at 27 ka magseryoso at umibig dahil sa kanila, mas matatagpuan mo at makasusumpong ka ng panghabambuhay at mas maligayang pag-aasawa.




Comments