Negosyo at manggagawa, dapat sabay umasenso sa dagdag-sahod
- BULGAR

- 2 days ago
- 1 min read
by Info @Editorial | July 6, 2026

Hindi nakakagulat na ilang employer groups ang tutol sa P85 dagdag-sahod sa National Capital Region (NCR).
Sa bawat panawagan para sa mas mataas na sahod, laging may babalang tataas ang gastos, mahihirapan ang negosyo at maaaring may magsara.
Totoo, may maliliit na negosyong hirap ding bumangon. Pero hindi rin maaaring ipagpaliban palagi ang pangangailangan ng manggagawa. Sa gitna ng mataas na presyo ng pagkain, pamasahe, kuryente at renta, ang P85 na umento ay hindi luho. Para sa maraming minimum wage earner, ito ay dagdag na ulam, pamasahe, o baon ng anak.
Para naman sa mga kumpanyang mahihirapan, trabaho ng pamahalaan na mag-isip ng win-win solution: ipatupad ang dagdag-sahod, suportahan ang negosyo. Maaaring kabilang dito ang tax relief, mas murang pautang, subsidy sa utilities, at pansamantalang assistance para sa micro at small enterprises na tunay na mahihirapang sumalo sa dagdag-gastos.
Sa ganitong paraan, hindi isasakripisyo ang kita ng manggagawa, pero hindi rin pababayaan ang mga negosyong nagbibigay ng trabaho.
Ang layunin ay hindi pag-awayin ang manggagawa at ang employer kundi ang pagaanin ang buhay ng bawat isa at iangat ang ekonomiya.



Comments