top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Negosyante, makipagtulungan sa taumbayan kesa makipaglamangan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 25, 2020
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 25, 2020


‘Ika nga, anumang panahon, ‘di nawawala ang mga nananamantala.


Tipong may bagyo, pandemya o iba pang kalamidad, mas lamang pa yata ang mga nananamantala kesa sa mga tumutulong sa kapwa.


Kaya naman nang inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na isasailalim sa state of calamity ang Luzon, agad na naglagay ng suggested retail price (SRP) ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga pangunahing produkto.


Pero tulad nga ng nabanggit, malamang na may mananamantala at dededma sa itinakdang SRP, kaya nagpaalala ang DTI sa mga price freeze violators na mabigat na parusa ang kanilang kakaharapin.


Ayon sa ahensiya, P2 milyong multa ang maaaring ipataw sa mga negosyanteng hindi susunod sa price freeze sa Luzon dahil sa pananalasa ng bagyong Ulysses.


Matatandaang, unang umalma ang mga negosyante dahil mas mataas pa umano ang kapital sa itinakdang SRP. Paliwanag naman ng ahensiya, hindi magkakaroon ng pagkalugi ang mga negosyante dahil hindi tinataasan ang presyo ng kanilang produkto.


Gayunman, hinihikayat ang mga negosyante at mamimili na tingnan ang “price freeze bulletin” ng ahensiya sa kanilang website.


Samantala, sa ilalim ng Republic Act 7581 o Price Act, kailangang i-monitor ng DTI ang presyo ng pangunahing bilihin tulad ng canned fish at iba pang marine products, locally manufactured instant noodles, bottled water, tinapay, processed milk, kape, kandila, sabon panlaba at asin.


Sa Department of Agriculture (DA), kailangang i-monitor ang presyo ng bigas, mais, mantika, fresh, dried at iba pang marine products, itlog, baboy, baka at manok, gatas, gulay, asukal at mga prutas.


Sa totoo lang, lahat naman tayo ay pare-pareho ng gusto — ang makaraos araw-araw, kaya plis lang, magnegosyo tayo nang patas.


Ngayong nahaharap tayo sa kalamidad, ‘wag samantalahin ang pangangailangan ng publiko dahil hindi ito nakatutulong.


Tigilan na natin ang ganitong nakasanayan dahil sa panahon ngayon, ang kailangan natin ay makipagtulungan upang pare-pareho nating mairaos ang bawat araw.

At bilang negosyante, tumulong tayo sa pamamagitan ng pagiging tapat sa mga konsumer.


Panawagan naman sa mga kinauukulan, mahigpit na bantayan ang bentahan para matiyak na nasusunod ang SRP. Kapag may lumabag, ‘wag magdalawang-isip na turuan sila ng leksiyon.


Ito ay panahon para makipagtulungan at hindi para makipaglamangan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page