top of page

NBL: Muntinlupa ibinida ni Ondevilla sa unang panalo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 8, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 8, 2023


ree

Pumasok ang tira ni John Mark Ondevilla na may dalawang segundo sa orasan upang ihatid ang pinakaunang panalo sa Muntinlupa, 103-101, laban sa bisita Tatak GEL Binan sa tampok na laro ng 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup Linggo ng gabi sa Angelis Resort. Sa unang laro, kinailangan ng Cam Sur Express ang overtime upang itapal sa nangungunang Taguig Generals ang kanilang unang talo, 120-114.

Ipinasok ni Raymart Amil ng Binan ang free throw upang tumabla, 101-101, at 13 segundo ang nalalabi. Napunta ang bola kay Ondevilla na hinintay maubos ang oras bago tumira laban sa depensa ni Allan Bernard Papa.


Matapos hindi maglaro noong Biyernes dahil sa pilay, bumalik si Ondevilla upang magsabog ng 34 puntos na personal niyang marka sa torneo at wakasan ang limang sunod na pagkabigo. Double- double si Crispin Barnedo na 12 puntos at 12 rebound habang tig-11 sina Tristan Kyle Villablanca at Rensei Geralao.


Kinumpleto ng Express ang kanilang mainit na second half sa pagbida ng mga beteranong sina Fredson Hermonio at Alwin Margallo sa overtime. Ipinasok ni Hermonio ang malaking tres na may 1:18 nalalabi upang maging 118-111 at sinigurado ng mga free throw ni Margallo ang resulta sa huling 25 segundo.


Sinayang ng Generals ang 91-72 bentahe maaga sa 4th quarter at humabol ang Cam Sur sa pagbomba ng 16 magkasunod na puntos upang maagaw ang lamang at lumayo, 107-102. Sinagot ito ng lima mula kay Mike Jefferson Sampurna upang ipilit ang overtime, 107-107.


Nanguna sa Express si Verman Magpantay na may 18 puntos. Nag-ambag ng 16 si Margallo at tig-15 sina Hermonio at Jayson Orada.

Papasok sa huling dalawang linggo ng elimination round, nasa taas pa rin ng Grupo B ang Taguig (6-1) at sinusundan ng Binan (4-3) at Muntinlupa (1-5). Numero uno sa Grupo A ang KBA Luid Kapampangan (4-2) at hinahabol sila ng Express (5-3), DF Bulacan Stars (3-5) at Santa Rosa Lions (3-5).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page