NBL, magbubukas, Narvacan Panthers, babanat sa liga
- BULGAR
- Jan 9, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 09, 2022

Matapos ang matagumpay na unang taon bilang isang ganap na ligang propesyunal, palalawakin ng National Basketball League (NBL) ang kanilang sakop at magbubukas ng bagong koponan ngayong 2022, ang Narvacan-Ilocos Sur Panthers. Maaga pa lang ay malapit na mabuo ang koponan para sa liga na nakatakdang magbukas sa unang quarter ng 2022.
Kinabibilangan ang Panthers ng purong mga tubong buong lalawigan ng Ilocos Sur. Ang koponan ay pagmamay-ari ni Luis “Chavit” Singson at hahawakan ni Coach Anong Clarin na siya ring Narvacan Sports Development Head.
Matagumpay na ginanap ang tryout noong Enero 3 at 4 sa Narvacan People’s Center Covered Court. Hindi nagpahuli ang kapitbahay na La Union PAOwer at sabay nagdaos ng sariling tryout sa Don Mariano Marcos Memorial State University sa San Fernando City.
Pumangalawa ang PAOwer sa kampeon Pampanga Delta noong NBL at determinado na maagaw ang tropeo ngayong 2022. Kung kampeonato ang layunin ng La Union, gusto ng Laguna Pistons na makabawi mula sa inilaro kung saan hindi sila nakasama sa playoffs sa kartadang 3-6 panalo-talo.
Bilang unang hakbang, nagpatawag ang Pistons ng tryout noong Biyernes at kahapon ng Sabado sa Dominican College sa Santa Rosa City. Inaasahan na magbubuo na rin ang ibang mga koponan habang papalapit ang pagbukas ng liga.
Samantala, hindi muna matutuloy ang nakatakdang Rookie Draft ng Women’s National Basketball League (WNBL). Sa halip, nagpaliwanag ang pamunuan ng liga na bibigyan nila ng pagkakataon ang tinatayang 141 na free agent na kinabibilangan ng mga naglaro noong 2021 subalit pinakawalan na ng kanilang koponan at mga aplikante sa 2021 Rookie Draft na hindi napili upang punuin ang mga koponan.
Nakatakdang sumali sa WNBL 2022 ang tatlong koponan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na Army, Navy at ang kampeon ng unang WNBL noong 2019 na Air Force. Ang mga nasabing koponan ay buo na at hindi na kailangan kumuha ng rookie o free agent kaya ang WNBL Draft ay bubuksan muli sa 2023.





Comments