Nationwide Connectivity at Digitalization, aarangkada na
- BULGAR
- Jan 30, 2023
- 3 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | January 30, 2023
Panahon pa ng nakaraang administrasyon, medyo maingay na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) hinggil sa Digital Infrastructure Program, kaya marami na sa ating mga kababayan ang nais nang maramdaman ang pagbabagong ito.
Nabatid na mayroon tayong 79.66 milyong internet users sa bansa at may 72.7 porsyento ng Internet user penetration rate, ayon sa Statista.com na may median download speed na18.79 megabits per second (Mbps) para sa mobile internet at 49.10 Mbps para naman sa fixed broadband, ayon sa Ookla Speedtest.
Ibig sabihin, napakalayo pa ng ating tatahakin at kulang na kulang pa ang pagsisikap ng pamahalaan bago marating ang inaasam nating nationwide connectivity.
Ayon sa DICT, kailangang palakasin pa ang digital infrastructure na tanging paraan para mapabuti ang internet connectivity sa buong Pilipinas, lalo pa at napakaraming lugar ang kulang na kulang talaga ang serbisyo at may mga lugar pang hindi talaga inaabot ng serbisyo.
Kung mapapalakas pa ang National Digital Infrastructure, mapag-uugnay na ang mga lugar na mahina ang koneksyon o wala talagang access sa internet, partikular ang maraming pribadong kumpanya sa malalayong lalawigan na tila nasa loob pa rin ng kuweba hanggang ngayon.
Sa kabila ng mga naglalakihang imprastruktura na isinagawa sa maraming lugar sa bansa, dapat din umanong pagtuunan ng karagdagang pansin ang National Digital Infrastructure dahil ang mabagal na internet speed sa bansa ay dahil lamang sa kakulangan ng fiber at cell towers.
At ang mga usaping ito hinggil sa digital infrastructure ay noon pang nakaraang administrasyon at ngayon, heto ang Aboitiz at Ayala groups na hinihiling na pamahalaan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (P-BBM) na isama ang digital infrastructure sa listahan ng mga prayoridad.
Hindi naman ito malaking problema kay P-BBM dahil siya mismo ay isinusulong ang universal connectivity at nangako naman ang dalawang higanteng kumpanyang ito na magpopondo sa public-private partnerships (PPPs) para sa digital infrastructure kung maisasama ito sa prayoridad ng pamahalaan.
Malaking tulong ang pag-uusap na ito sa pagitan ng pamahalaan at dalawang higanteng negosyante sa bansa dahil hindi na natin maitatanggi na tumatakbo na ang mundo dahil sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya at malinaw na komunikasyon.
Kung kukumustahin natin ang DICT, ngayon umano ay tuluy-tuloy naman ang kanilang pag-aaral at paghahanda para sa pagpapaigting ng digitalization sa bansa, ngunit wala pa silang tukoy na araw o buwan kung kailan natin ito mararamdaman.
Kasi maging sila ay pinupukpok na ni P-BBM na maging digitalized ang lahat ng sangay ng pamahalaan at mapalakas pa ang cybersecurity upang hindi na maulit na napapasok ang mga account ng pamahalaan tulad ng napaulat kamakailan.
Sa World Economic Forum sa Switzerland, buong pagmamalaking inanunsiyo ng DICT na nagsisimula nang kumilos ang ating gobyerno, pati ang mga lokal na pamahalaan para ma-develop ang digital infrastructure ng Pilipinas.
Tinalakay ng DICT ang tungkol sa super government app na isa lamang umano sa kanilang inihahanda sa kasalukuyan para sa malaking programa ng digitalization.
Maganda ang layunin ng programang ito na kung mauumpisahan sa lalong madaling panahon ay magkakaroon na ng iisang app ang lahat ng mga government service na kakailanganin ng mamamayang Pilipino.
Sa kasalukuyan ay nasimulan na ang I-LGU o Integrated Local Government Unit System na ang pakay naman ng sistemang ito ay mapadali ang lahat ng transaksyon sa mga lokal na pamahalaan.
Ginagamit na ngayon ng may 25 lungsod at munisipalidad ang I-LGU at kahit hindi naisasakatuparan ang malawakang digital infrastructure ay sinisikap naman ng ahensya ang pagpapalakas ng connectivity sa malalayong lugar.
Ang isa sa pinakamagandang hakbanging isinagawa ng DICT ay ang pakikipag-ugnayan ng ating bansa sa iba’t ibang bansa, na ngayon ay may mga nabubuo nang plano hinggil sa digitalization sa Pilipinas.
Sa katunayan, may napirmahan nang Memorandum of Agreement ang Pilipinas kasama ang Singapore at China para tumulong sa digitalization ng bansa at ilang panahon pa ay mararamdaman na natin ang pag-usad nito.
Malapit na ring maluto ang isinasagawa nating pakikipag-usap sa iba pang bansa tulad ng Japan, United States at iba pang ASEAN countries na lahat ay nagpakita na ng positibong pagtugon hinggil sa pangangailangan natin sa digitalization.
Malaking tulong din ang pahayag ng mababang kapulungan ng Kongreso na kanilang tututukan at bibigyang-prayoridad ang mga panukalang-batas na nagsusulong ng digitalization sa bansa.
Nakakatuwa na marami na ang nagtutulung-tulong para maisaayos ang nationwide connectivity at digitalization sa bansa, na minsan pa ay napatunayan na walang imposible kung tutulong sa halip na pumuna!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments