National Land Use Act, umuusad na sa Kongreso

ni Mylene Alfonso @News | September 25, 2026

Photo: Lalo Matugas - FB
Itinutulak ni Surigao del Norte 1st District Rep. Francisco “Lalo” Matugas ang pagpasa ng National Land Use Act (NLUA).
Ayon kay Matugas, chairman ng House Special Committee on Land Use at principal author ng House Bill No. 8466, isang pagkakataon ang deliberasyon sa Senado upang lalo pang mapahusay ang panukalang pambansang balangkas sa paggamit ng lupa.
Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang HB 8466 noong Mayo 5 at ipinadala ito sa Senado noong Mayo 6.
Patuloy na tinatalakay sa Senado ang sarili nitong mga panukala para sa National Land Use Act, kabilang ang House-approved measure na isinasalang sa kanilang konsiderasyon.
Ang kasalukuyang panukala ay pagpapatuloy din ng mga hakbang na ginawa noong 19th Congress, kung kailan kabilang si dating Surigao del Norte Rep. Francisco Jose “Bingo” Matugas II sa mga may-akda ng bersyon ng Kamara ng National Land Use Act.
Layunin ng HB 8466 na magtatag ng pambansang polisiya sa paggamit ng lupa at mga mekanismo para sa pagpapatupad nito, kabilang ang paglikha ng National Land Use Commission.
Layon nitong magkaroon ng malinaw na pambansang balangkas sa paggamit ng lupa para sa agrikultura, pabahay at mga pamayanan, imprastraktura, pagpapaunlad ng ekonomiya, pangangalaga sa kalikasan at paghahanda laban sa mga sakuna.





Comments