Natauhan lang daw nang mabuking ang relasyon nila ni Maris… ANTHONY, AMINADONG YUMABANG NANG SUMIKAT
- BULGAR

- Jun 13
- 3 min read
ni Mercy Lejarde @Talkies | June 13, 2026

Photo: IG_anthonyjenningss
Inamin ng aktor na si Anthony Jennings na ‘lumaki ang ulo’ niya matapos sumikat ang karakter niya sa teleseryeng Can’t Buy Me Love (CBML).
Sa kanyang pagge-guest sa YouTube (YT) channel na Think Talk Tea ng filmmaker-content creator na si Kring Kim, naging tapat ang Kapamilya actor sa pag-amin na may mga pagkakataong naapektuhan siya ng biglaang kasikatan.
Nang tanungin ni Direk Kring kung aminado ba siyang yumabang, diretsahang sagot ni Anthony, “Oo naman.”
Gayunman, nilinaw niyang hindi naman ito umabot sa puntong sobra ang kanyang pagiging mayabang.
“May mga times na nakikita ko na parang nagbago ako,” sey ng aktor.
Ayon kay Anthony, isa sa mga naging epekto ng kanyang pagsikat ay ang pakiramdam na masyado siyang abala para sa ilang tao at mga simpleng pagtitipon.
“May mga ‘di ako sinisipot nu’n. Iniisip ko na masyado akong busy para d’yan, pero kaya naman palang gawan ng oras,” kuwento niya.
Ibinunyag din ng aktor na dumating siya sa puntong nawalan siya ng sigla at naging iba ang pakikitungo niya sa ibang tao.
Natanong naman ni Direk Kring kung kailan niya napagtantong kailangan na niyang baguhin ang kanyang ugali.
“Siguro after nu’ng issues (nag-cheat siya sa kanyang non-showbiz GF para kay Maris Racal),” pag-amin ni Anthony.
Aniya, naglaan siya ng oras upang suriin ang kanyang sarili at isa-isang ayusin ang mga problemang kinaharap niya.
“Mas self-aware na ako ngayon. Kilala ko na ang sarili ko at alam ko na kung hanggang saan ang limit ko,” saad pa niya.
Malaki rin umano ang naitulong ng paglayo niya sa social media at muling pakikipag-ugnayan sa kanyang mga tunay na kaibigan.
“Idinelete ko lahat. Kasama ko lang ‘yung mga totoo kong kaibigan, ‘yung nakakilala sa akin bago pa ako sumikat. Sila ‘yung nakatulong para maibalik ang paa ko sa lupa,” pahayag ng aktor.
Sa huli, sinabi ni Anthony na nagpapasalamat siya sa mga pinagdaanang pagsubok dahil mas natuto siyang maging mapagkumbaba at mas grateful sa mga biyayang natatanggap niya ngayon.
Well, ayon nga sa batikang direktor-aktor na si Edgar ‘Bobot’ Mortiz, okay lang na lumaki ang ulo ng isang artista basta sikat naman talaga ito.
At least, maaga niyang natanggap ang kanyang pagkakamali at ngayon ay mas self-aware at mas grounded na siya bilang artista at bilang tao.
Pak, ganern!
Dumating na lang daw sa kanya ang resibo, Paolo… YEN: LAHAT NG KUTOB KO, NAPATUNAYAN KONG TOTOO!
NAPATUNAYAN umano ng aktres na si Yen Santos na madalas magkatotoo ang kanyang mga kutob, ayon sa naging panayam sa kanya ng mahusay na entertainment journalist na si MJ Felipe.
“Sobra! Lahat ng kutob ko, napatunayan kong totoo. Pero alam kong minsan, ‘di rin s’ya talaga accurate. Siguro, dapat gamitin lang natin s’ya bilang warning sign, pero ‘di final conclusion. Dapat, may proof pa rin,” sey ni Yen.
Dagdag pa niya, “Pero ako, based sa personal experience ko, lahat talaga, dumating sa akin ‘yung resibo kahit wala akong ginagawa.”
Samantala, ibinahagi rin ng aktres kung gaano niya na-miss ang showbiz matapos ang kanyang pansamantalang pagkawala.
“Sobrang na-miss ko lahat. Na-miss ko talagang magtrabaho, at masaya ako na magkatrabaho kami ulit ni Echo (Jericho Rosales). First day pa lang, kami agad ang magkaeksena. Third project na namin ‘to together,” saad niya.
Mapapanood si Yen kasama si Jericho Rosales sa bagong suspense-thriller series na The Loyalty Game (TLG), na ipapalabas sa Prime Video simula Hulyo 3, 2026.
Pinangungunahan ng real-life couple na sina Jericho Rosales at Janine Gutierrez ang serye, kasama si Sofia Andres.
Kabilang din sa mga pangunahing cast sina Carmina Villarroel, Charlie Dizon, Kira Balinger, Elisse Joson, Maika Rivera at Yen Santos.
Anyway, welcome back, Yen!





Comments