Nasira ang mga pananim na gulay at namantsahan ang damit
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | October 26, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jesse ng Misamis Occidental.
Dear Maestra,
Magandang araw sa inyo. Isa akong magsasaka at gusto ko ring magpaanalisa ng panaginip ko. Napanaginipan ko na maaga akong gumising upang puntahan ang bukid namin, tapos maraming mga suso at kinakain ng mga ito ang tanim naming mga gulay. Halos wala nang natira sa mga dahon nito at pinagtatanggal ko isa-isa.
Nagkamantsa pa ang damit ko at dumumi nang husto. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Jesse
Sa iyo, Jesse,
Ang panaginip mo na maraming suso sa bukid ninyo at kinain ng mga ito ang tanim ninyong gulay ay nagpapahiwatig na makakaranas ka ng mga hindi kanais-nais na pangyayari sa darating na mga araw. Ito ay dahil sa kaibigan mo na labis na naiinggit sa iyo. Makakaramdam ka ng pagkainis at pagkabuwisit sa mga pangyayari na hindi mo sukat akalaing gagawin sa iyo ng kaibigan mo.
‘Yun namang namantsahan ang damit mo, ito ay nangangahulugan na may hahadlang sa kaligayahan na malapit mo nang makamtan dahil sa pagtitiyaga mo sa buhay.
Manatili kang kalmado at huwag agad maiinis. Iwasan mong mag-init agad ang iyong ulo dahil ang kahinahunan ang magdadala sa iyo sa tagumpay. Nakatunghay ang Diyos sa mga gawain mo at gagantimpalaan ka Niya ng higit pa sa iyong inaasahan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments