Napunit at tinahi ang apron, senyales na magkaka-love life
- BULGAR
- Nov 8, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | November 8, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Tommy ng Marilao, Bulacan.
Dear Maestra,
Isang mapagpalang araw sa inyong lahat. Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko. Napanaginipan ko na kusinero ako sa isang sikat na restoran, tapos nakasuot ako ng magandang uniform na pangkusina, kasama na ang apron. Sa dami ng niluto ko, dumumi nang husto ang apron ko, kaya pumunta ako sa dressing room para magpalit ng apron. Hindi sinasadya, sa pagmamadali ko ay nasabit sa pako ang apron at napunit ito, kaya hinubad ko ito upang tahiin. Muli kong isinuot ang apron dahil wala nang pamalit at nagpatuloy ako sa pagluluto. Tapos gustong-gusto ng mga customer namin ang luto ko at ganadong-ganado silang kumain. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Tommy
Sa iyo, Tommy,
Una sa lahat, maraming salamat sa pagkonsulta mo sa akin ng iyong panaginip. Ang panaginip mo na kusinero ka sa restoran ay nagbababala na dapat kang mag-ingat dahil kahit ayaw mo ay mapapasama ka sa intriga. Pagtsi-tsismisan ka ng mga katrabaho mo na lihim na naiinggit sa iyo.
Samantala, ang sabi mo ay dumumi nang husto ang suot mong apron dahil sa dami ng niluto mo, at gusto mo itong palitan pero wala nang ibang apron na pamalit dito, kabaligtaran ang ibig sabihin nito. Ito ay nagpapahiwatig na madadagdagan pa ang mga bago mong damit.
‘Yun namang napunit at tinahi mo ito, nangangahulugan ‘yan na magkakaroon ka ng bagong karelasyon o muling titibok ang puso mo. ‘Yun namang ganadong-ganadong kumain ang mga kustomer n’yo dahil sa sarap ng luto mo, nagpapahiwatig ito na madadagdagan pa ang mga kaibigan mo. Sila ay pawang mayayaman at hinahangaan sa kanilang lugar.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments