top of page

Napolis, 1st gold sa Jiu-jitsu SEAG

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 5, 2023
  • 2 min read

ni Gerard Arce @Sports | May 5, 2023



Pinilipit ni 2021 World Championships medalists Kaila Napolis ang kauna-unahang gintong medalya para sa Pilipinas matapos mahigitan si 2018 Jakarta-Palembang Asian Games champion Jessica Khan ng Cambodia sa pambihirang 2-0 iskor sa women’s Ne-Waza Gi under-52kgs, kahapon sa 32nd Southeast Asian Games sa Chroy Changvar Convention Center: Hall B, Phnom Penh, Cambodia.


Matamis na tagumpay ang nakuha ng 26-anyos na 2021 Jiu-Jitsu International Federation (JJIF) World Championships bronze medalist nang bawian ang Cambodian grappler matapos magsalubong noong 2019 Manila Games ng sumegunda lang ang Pinay jiujitera sa mas mababang timbang sa under-49kgs division.


Naging malaking pagkakataon para sa Checkmat Philippines grappler na makapuntos sa ikalawang punto upang payukuin ang American-Cambodian black belter, na siyang pangunahing pambato ng host country sa naturang kumpetisyon matapos maging ikalawang atletang nag-uwi ng gintong medalya para sa Cambodia sa Asian Games.


Bago mailista ni Napolis ang tagumpay ay nauna muna nitong tinalo sina May Yong Teh ng Singapore sa iskor na 50-0, habang sunod na ginapi si Nuchanat Singchalad ng Thailand sa bisa ng 3-0 at Thi Huyen Dang ng Vietnam sa 50-0.


Muling naidagdag sa mga tagumpay ng Jiujitsu Federation of the Philippines (JJFP) grappler ang panalo sa kanyang mga gold medal performance sa 2019 World Martial Arts Mastership sa South Korea at 2018 UAEJJ Thailand National Pro, gayundin ang silver medals sa 2018 Abu Dhabi Grand Slam Tour London, 2018 JJAU Asian Championships, at 2017 5th Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG), habang bronze medals ito sa 2019 JJAJ Asian Championships at 2016 Asian Beach Games.


Nakapagbulsa rin ng tansong medalya ang tambalan nina Isabela Montana at Dianne Bargo sa women’s SHOW, habang binayayaan rin ng tanso ang magkapatid na Jan Harvey at Karl Dale Navarro sa men’s DUO.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page