Napakahirap pa rin ng buhay kahit halos wala nang COVID-19
ni Ka Ambo - @Bistado | March 2, 2022
MARSO na, halos wala nang COVID-19.
Pero, dahop na dahop pa rin ang buhay!
◘◘◘
KAPAG nawala ang lagnat at sakit ng katawan, tatayo at magaling na ang tao.
Pero, hindi ganyan ang sitwasyon sa negosyo.
Kahit wala nang COVID-19, ‘pag nagsarado ang negosyo — walang katiyakan kung makatitindig ito agad!
◘◘◘
SA pagpasok ng giyera sa Europe, lalong tumodo ang presyo ng petrolyo.
Susunod na ang presyo ng mga produktong may sangkap na mula sa ibang bansa.
Magkakasunod na delubyo.
‘Yan ang kahulugan ng ‘triple two’ sa 2022!
◘◘◘
MAAARING may masayang Pasko sa 2022, pero walang katiyakan kung ganyan din ang mararanasan sa 2023 at 2024.
Ang epekto ng pandemya, giyera at bagsak na ekonomiya — ay iiral nang may 24-buwan.
Marahil sa 2025 pa makakaahon ang buong mundo!
◘◘◘
MATAPOS ang COVID-19 at Euro-war, susunod naman ang kakapusan ng supply ng tubig at elektrisidad.
Magkakambal ang dalawang ‘yan, pustahan tayo!
◘◘◘
PABOR si P-Digong na isuspinde ang e-sabong.
May 31 sabungero kasi ang nawawala, pero hindi kinakastigo ang PNP, NBI at iba pang law enforcement agencies!
◘◘◘
HINDI lang drug lords ang delikado, mapanganib din ang mga gambling lord.
Hindi ligtas ang kabataang gagala matapos ang COVID-19!
◘◘◘
WALANG kalatuy-latoy ang mga presidential debates.
Gasgas na ang mga isyu at palpak ang format!
◘◘◘
DAHIL sa pandemya, naapektuhan na rin ang utak ng mga pagdidisenyo ng programa sa media.
Hindi ito nagdaraan sa maayos na plano at deliberasyon.
Nakakaantok at nakakabwisit!
◘◘◘
BAKIT hindi na lang magpokus muna sa iisang isyu — at ‘yan ang talakayin sa buong programa.
Halimbawa, ano ang pakahulugan ng presidentiables sa “foreign relations”?
Pabor ba sila sa mutual defence act sa U.S.?
Pabor ba sila na tumiwalag nang pormal sa kasunduang ito sa U.S.?
‘Yan ay espesipiko — at masasagot ‘yan ng espesipiko at malinaw!
◘◘◘
NAPAKAHALAGA ng isyu sa ibang bansa.
Matapos masagot ang isyu sa relasyon ng U.S. at Pilipinas, puwedeng isunod ang isyu sa relasyon ng ‘Pinas at China.
Tatalakayin dito ang mga kaugnayan sa kasaysayan, trading, West Philippine Sea, kultura at track record ng relasyon ng dalawang bansa.
Walang mali, walang tama sa posisyon o opinyon ng mga kandidato.
Bahala na ang mga botante na humusga kung saan sila papabor!
◘◘◘
IWASAN sa debate ang “general question” at personal issue.
Ito ay para magkaroon ng mas malinaw na diskusyon at larawan ang mga botante kung nauunawaan ng mga kandidato ang kahalagahan ng isyu kanilang papasukin sakaling magwagi!





Comments