Nangunguha ng pang-ulam... Mag-utol na edad 9 at 10, patay sa palaisdaan

ni Mervin Reyes @News | September 18, 2026

Photo: File
Patay ang magkapatid na batang lalaki matapos malunod habang nangunguha ng kangkong na kanilang iuulam, sa isang palaisdaan sa Bayambang, Pangasinan.
Alas-10:30 ng umaga nitong Martes nang magtungo sa palaisdaan ang magkapatid, edad 9 at 10, kasama ang kanilang menor-de-edad na pinsan.
Habang nangunguha ng kangkong, napunta sa malalim na bahagi ng palaisdaan ang nakababatang kapatid. Sinubukan siyang sagipin ng nakatatanda ngunit maging ito ay nalunod.
Humingi ng tulong ang kanilang pinsan, ngunit hindi na nailigtas ang magkapatid.
Ayon sa ama nilang si "Joenil,” doble ang sakit na kanyang nararamdaman sa sinapit ng kanyang mga anak. Nagtatrabaho siya bilang helper sa isang junk shop sa Bulacan upang matustusan ang kanilang pamilya.
Kaarawan naman ng ina ng mga bata na si "Mary,” ngunit nauwi sa pagdadalamhati ang dapat sana'y masayang selebrasyon.
Aalamin ng pulisya kung may pananagutan ang may-ari ng palaisdaan. Sinusubukan pa itong makuhanan ng pahayag.





Comments