Namasyal sa Boracay at niligawan ng matandang binata
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 14, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Gina ng Calapan, Mindoro.
Dear Maestra,
Matandang dalaga ako at nangangarap na makapag-asawa ng mayaman at sana ay guwapo, mabait at mapagmahal din. Napanaginipan ko last Sunday na namamasyal ako sa Boracay. Ang ganda-ganda ng kalangitan at maya-maya ay nilapitan ako ng may edad na lalaki na sa tingin ko ay hindi nagkakalayo ang edad namin, tapos nakipagkuwentuhan siya sa akin.
Binata pa raw siya sa kabila ng kanyang edad dahil pihikan siya kaya medyo tumandang binata. Nagkagaanan kami ng loob hanggang sa nanligaw na siya sa akin. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Gina
Sa iyo, Gina,
Maraming salamat sa pagsangguni mo sa akin tungkol sa panaginip mo. Ang ibig ipahiwatig ng panaginip mo ay may kaligayahang naghihintay sa iyo sa larangan ng pag-ibig. Mabuti at maganda ang kalangitan nang araw na namamasyal ka. Pero kung nagkataon na madilim ang ulap at hindi kalmado ang kalangitan, hindi maganda ang kahulugan nito dahil mga sagabal sa pangarap at hindi inaasahang problema ang kakaharapin mo.
‘Yun namang may lumapit sa iyong may edad na binata at niligawan ka, ito ay nangangahulugan na matatapos na ang problema mo sa pera, hindi ka na kakapusin at yayaman ka na.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments