Namaril sa iskul... 3 estudyante patay, 7 pa sapul sa 2 Grade 9
- BULGAR

- 2 hours ago
- 1 min read
ni Jeff Tumbado @News | June 23, 2026

Photo: Tacloban City Fire Station / FB
Dalawang babae at isang lalaking estudyante ang nasawi sa pamamaril ng dalawang lalaking Grade 9, sa San Jose National High School (SJNHS) sa Tacloban City, Leyte, kahapon ng umaga.
Ayon sa Police Regional Office 8 (PRO-8), agad na naaresto ang dalawang suspek na edad 14 at 15.
Batay sa mga kuha ng video na lumabas sa social media, bandang alas-9 ng umaga, makikitang nagkakagulo at nagtatakbuhan palabas ng paaralan ang mga estudyante at guro habang ang ilan ay umiiyak dahil sa takot.
Isang sugatang babaeng estudyante naman ang binuhat ng kanyang mga kaklase upang mailayo sa lugar at mabigyan ng agarang tulong medikal.
Kinumpirma naman ni PNP PIO Chief Col. Allen Co na 40 basyo ng bala ang narekober sa loob ng paaralan.
Ang 9mm glock na baril na ginamit ng isang suspek ay inisyu sa isang pulis na naka-assign sa PRO 8 na kanyang tiyahin at kasalukuyan na ngayong iniimbestigahan.
Habang ang isang baril naman na kalibre 38 ay nakarehistro sa isang security agency sa Cebu City.
Napag-alaman pa ng pulisya na nagpalit pa ng magazine ang gumamit ng PNP-issued na baril.
Agad namang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang malalimang imbestigasyon sa insidente.
Samantala, itinuring naman ng Department of Education (DepEd) ang pamamaril bilang isang “high-alert situation” at sinabing nakikipag-ugnayan na ito sa pamunuan ng paaralan, mga otoridad, at iba pang ahensya ng gobyerno upang maibigay ang kinakailangang tulong medikal at psychosocial support sa mga naapektuhang mag-aaral at kawani.





Comments