Namamalimos na ang mga tsuper gusto pang pabilhin ng DOTr at LTFRB ng halos P1-M halaga ng e-jeep! G
- BULGAR

- Oct 8, 2020
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 8, 2020
MALAPIT NA KAYANG ILABAS NG ICC ANG WARRANT OF ARREST KAYA BAIT-BAITAN ANG PANGULO? — Dati, ang bukambibig ni P-Duterte ay “kill, kill, kill”, pero sa huling pagharap niya sa publiko sa meeting ng IATF (Inter-Agency Task Force) ay nagtaka ang publiko na tila maamong tupa ang matapang na Pangulo nang sabihin niyang wala pa raw siyang pinatay na tao at wala siyang iniuutos sa mga awtoridad na pumatay ng tao.
Hindi kaya may tinanggap siyang impormasyon na maglalabas na ng warrant of arrest sa kanya ang International Criminal Court (ICC) kaugnay sa kaso niyang crimes against humanity kaya “bait-baitan” na siya ngayon? Boom!
◘◘◘
DOTR AT LTFRB, TINARAYAN NI SEN. IMEE — Batikos ang inabot ng mga opisyal ng Department of Transportation at Land Transportation Franchise Regulatory Board kay Sen. Imee Marcos kasi hindi katanggap-tanggap na sinasamantala ng dalawang ahensiyang ito ng pamahalaan na isulong ang jeepney phaseout at PUV (Public Utility Vehicle) modernization sa panahon ng pandemya.
May punto ang senadora na magtaray kasi namamalimos na nga sa kalsada ang mga jeepney drivers para may pambili ng pagkain para sa kanilang pamilya dahil ayaw na silang payagang bumiyahe ng DOTr at LTFRB, tapos pupuwersahin pang bumili ng halos P1 milyong e-jeep, buwisit!
◘◘◘
KAPAG NABUWISIT SI CALIDA KINA SEN. TOLENTINO AT CONG. ZARATE, BAKA IPA-QUO WARRANTO SILA SA SC — Kinuwestiyon nina Sen. Francis Tolentino at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang P1.1-B hinihirit ng Office of the Solicitor General (OSG) sa 2021 national budget, dahil ayon sa dalawang mambabatas, maraming butas na nasisilip ang Commission on Audit (COA) sa ginagawang paggasta ng tanggapan ni SolGen Jose Calida sa pera ng bayan.
Naku, dapat mag-ingat ng pagkuwestiyon sa OSG funds sina Tolentino at Zarate kasi baka mabuwisit sa kanila si Calida at bigla silang ipa-quo warranto sa SC (Supreme Court), boom!
◘◘◘
KRITIKO NI DUQUE, ASAR-TALO NA NAMAN — Naniniwala si P-Duterte na may corruption sa PhilHealth, pero hindi siya naniniwalang sangkot sa katiwalian dito si Sec. Francisco Duque.
Dahil sa pagtanggol ni P-Duterte kay Duque, tiyak asar-talo na naman ang mga kritiko ng DOH secretary, period!





Comments